Kotseng gawa sa Lego, pinaandar sa Australia
ANG kauna-unahang life-sized na kotseng gawa sa Lego sa buong mundo ay pinatakbo sa Melbourne, Australia kamakailan. Sa kabila na gawa ito sa laruan, kayang-kaya nitong tumakbo at magsakay na katulad ng isang pangkaraniwang sasakyan.
Ang kotseng gawa sa Lego ay binuo ni Raul Oiada mula sa kalahating milyong piraso ng nasabing laruan.
Nagsimula ang proyekto ni Raul sa Internet kung saan ginamit niya ang social networking site na Twitter upang makapagkalap ng suporta at pondo para sa noo’y plano pa lamang na pagbuo ng kauna-unahang kotse na gawa sa Lego.
Naging epektibo ang ginawa ni Raul dahil nasa 40 mamumuhunan ang naengganyo sa kanyang proyekto at nagbigay ng mga halagang mula $500 hanggang $1000.
Ang mga gulong lamang na gawa sa goma ang tanging parte ng kotse na hindi gawa sa Lego. Ang makina nito ay binubuo ng mga piraso ng laruan. Kaya nitong magsakay ng dalawang tao at tumakbo sa bilis na 30 kilometro bawat oras.
Si Raul ay matagal nang kilala sa kanyang mga nililikhang imbensyon katulad ng ginawa niyang ‘steam engine’ o makina na tumatakbo sa pamamagitan ng singaw ng tubig noong siya ay nasa high school pa lamang. Nakalikha na rin siya ng isang motorsiklo na may makinang pang-eroplano.
Ayon kay Raul, hindi siya titigil sa kanyang kotseng Lego at lilikha pa siya nang marami pang ibang kakaibang imbensyon sa hinaharap.
- Latest