Lalong tumitindi ang iringan ng Metro Manila Council, MMDA at ng LTFRB patungkol sa mga regulasyon na ipinatutupad sa mga lansangan sa Metro Manila.
Hanggang sa ngayon hindi malinaw kung ano ang gagawin para maresolba ang hindi pagkakasundo sa mga patakarang ipinatutupad, kaya ang mangyayari magkakanya-kanya ang mga ito sa kanilang mga patakaran na lalung magulo.
Sa Maynila, may himig na nang paghahamon ang pahayag ni Vice Mayor Isko Moreno nang ipahayag nito na magkakasubukan na pagdating sa Maynila.
Ibig sabihin hindi uubrang ipatupad sa lungsod ang memorandum circular ng LTFRB na pinapayagang bumiyahe ang mga out of line o kolorum na bus.
Binigyang diin ni Moreno na hindi ito uubra sa Maynila dahil lalu lamang itong magpapalala ng trapik sa lungsod.
Kahapon nagsimulang magparamdam si Vice Mayor Isko at nanghuli ng mga pumasok sa Maynila na kolorum.
Nagsimula na ring manghuli sa lungsod Quezon.
Maging sa lungsod ng Quezon City, ay hindi rin uubra ang circular na ito ng LTFRB.
Pinapalagan din nila ito.
Ang hindi nga naman malaman dito sa LTFRB eh, bakit nga namang papayagang bumiyahe ang mga trak at bus na walang prangkisa. Kung wala pa silang prangkisa magtiis sila.
Mukhang malabo nga naman ito.
Sa panig naman ng LTFRB, ang kanilang panawagan huwag na raw magsisihan at magtulungan na lamang.
Ang tanong ng marami, dapat umano bago nagpatupad ng patakaran ang LTFRB ay kinonsulta muna ang iba pang ahensya.
Sino nga ba ang may pagkukulang?
Sino ang nagmamagaling o nagpapansin lamang?
Kahit sino pa ang tama o mali, dapat na nilang resolbahin sa lalung madaling panahon ang isyung ito at lutasin na ang sigaw ng bayan lalo na ng mga taga Metro Manila, at iyan ang sobrang trapik sa daan.