Beauty pageant ng mga kamelyo, ginaganap taun-taon sa UAE
MAHALAGA para sa mga Arabo ang kanilang mga alagang kamelyo kaya naman hindi nakakapagtaka na mayroong isinasagawang beauty pageant sa United Arab Emirates na puro kamelyo ang kalahok.
Ang kakaibang beauty pageant na ito ay isinagawa tuwing Al Dhafra Festival sa Abu Dhabi at umaabot sa 30,000 kamelyo ang lumalahok sa taunang patimpalak.
Katulad ng isang pangkaraniwang beauty pageant, ang mga kamelyo ay rumarampa at binibigyan ng marka batay sa kanilang itsura at porma. Ayon sa isa sa mga nag-oorganisa ng patimpalak, ang magandang kamelyo ay yung may malaking ulo, malapad na leeg, at mahabang pangangatawan. Tinitingnan din ang tindig at kulay ng balahibo ng bawat kamelyo.
Mula sa libu-libong kamelyo na lumalahok sa patimpalak ay 10 lamang ang pinipiling panalo. Ang may-ari ng mga kamelyong nanalo ay tatanggap ng 30,000 dirhams (mahigit P350,000.)
Ngunit hindi lamang tungkol sa pera ang patimpalak dahil tunay na malaking karangalan para sa isang nagmamay-ari ng kamelyo na manalo ang kanyang alaga dahil sa kahalagahan ng nasabing hayop sa kultura ng mga Arabo.
Pitong taon na ang Al Dhafra Festival at bukod sa beauty pageant ay nagsasagawa rin sa nasabing festival ng karera para sa mga kamelyo at iba pang mga kasiyahan. Tuwing Disyembre ipinagdiriwang ang festival.
- Latest