MINSANG nagsaliksik ako sa internet, nakakita ako ng ilang site na nagpapakita sa iba’t ibang klase ng wedding cake. Merong maliliit, malalaki, malalapad, matataas, pabilog, parisukat at nadedekorasyunan ng kung ano-anong borloloy.
Biglang sumagi sa isip ko ang tanong kung ano ba ang halaga ng cake sa mga pagdiriwang sa mga kasalan. Bakit cake? Ano ang kaugnayan ng cake sa pag-iisang dibdib ng nagmamahalang lalake at babae? Bakit hindi litson o roasted turkey halimbawa o inihaw na manok o kaya sorbetes o salad? Sa buong mundo, saan mang bansa kahit ano pa ang paniniwala sa relihiyon, pulitika o kultura, karaniwan nang pinakatampok sa mga inihahanda sa mga kasalan ang cake. Hindi nawawala ang wedding cake saan mang lugar na merong ikinakasal. Mayaman man o mahirap ang ikinakasal, tiyak na merong nakahaing cake sa hapag-kainan.
Walang masasabing opisyal na kasaysayan ang wedding cake o hinggil sa sino mang nakaimbento nito. Walang opisyal na paliwanag kung bakit cake ang pangunahing inihahanda sa kasalan. Nagpasalin-salin na lang sa maraming nagdaang mga siglo ang tradisyon sa paghahanda ng cake sa mga wedding reception. Nag-iiba lang sa mga sangkap, istilo, laman at disenyo sa iba’t ibang bansa. Pero nananatili pa rin ang kaugaliang ito.
Pero, ayon sa Wikipedia, ang unang tradisyon sa wedding cake ay nagsimula sa Ancient Rome na ang tinapay ay hinahati sa ulo ng bride para magbigay ng suwerte sa mag-asawa. Sa Medieval England, pinatataas hangga’t maaari ang cake, at kung magagawa ng bride at groom na makapaghalikan sa ibabaw nito, ginagarantiyahan na ang masagana nilang pagsasama. Mula rito ay nalikha ang isang klase ng wedding cake na tinatawag na Croquembouche. Ayon sa sabi-sabi, nasaksihan ng isang bumisitang pastry chef ang tradisyon sa Inglatera na pinagpapatung-patong ang mga sweet rolls sa pagitan ng bride at groom at tatangkain nilang maghalikan sa may itaas nito nang hindi ito matutumba. Pagbalik ng pastry chef sa France, nagpatung-patong siya ng mga sweet rolls hanggang makabuo ng parang tore para malikha ang unang Croquembouche.