Manong Wen (8)

BIBIGYAN niya ng puhunang pera si Princess para sa kanyang pagtitinda ng bibingka. Mabuting iyon ang mapaunlad niya para maigapang ang kapatid na si Precious sa pag-aaral. Sanay na siya sa pagbibibingka kaya dapat doon siya magpokus.

Pero may naisip pa uli si Jo. Ano kaya at pagtuluyin niya sa pag-aaral si Princess? Ayon dito, nasa third year na siya nang tumigil sa pag-aaral sa kolehiyo. Hindi naman nabanggit sa kanya ang pinag-aaralan. Tumigil daw siya dahil wala nang itutustos ang kanyang tatay – si Manong Wen na nagkasakit ng diabetes. Sayang naman kung hindi siya makakatapos. Dalawang taon na lang at tapos na siya.

Mas mabuti pa kung pamiliin niya si Princess --- puhunan sa pagbibibingka o magpatuloy sa pag-aaral. Mas maganda kung siya mismo­ ang magpapasya.

Pero palagay ni Jo, baka piliin ni Princess ang pag-aaral. Mukhang desididong makatapos at kaya lang napilitang tumigil ay dahil nagkasakit na nga si Manong Wen.

Wala namang problema kung tutulungan niya ang magkapatid. Marami siyang naipong pera. Sinunod niya ang payo ni Manong Wen na huwag gagastos sa mga bagay na hindi kailangan. Mag-ipon nang mag-ipon habang nasa Saudi. Ganoon nga ang ginawa niya at nakaipon siya ng  milyong piso. Siya lamang yata sa mga kasamahan niya ang nakapag-ipon ng ganoon kalaki. Paano’y mga bulagsak, gastador at mga sugarol ang kasama niya. Nagpapasalamat siya kay Manong Wen dahil napayuhan siya nito. Kaya dapat lang niyang tulungan ang mga anak ni Manong Wen.

NAGBALIK si Jo sa Socorro makaraan ang isang buwan. Marami siyang dalang pera. Nagdala rin siya ng pasalubong sa magkapatid.

Eksaktong alas dose nang dumating siya sa Socorro. Tumawag siya ng traysikel.

“Alam mo ba ang kina Princess sa Bgy. Villareal?’’

“Princess Bibingka po?’’

“Kilala mo?’’

“Opo. Kilala po. Masarap po ang bibingka nun!”

Inihatid si Jo. Masaya siya sa muling pagkikita nila ni Princess.

(Itutuloy)

Show comments