MAY magandang balita para sa mga batang mahihilig kumain ng kendi.
Naimbento ng mga siyentista sa Germany ang isang klase ng kendi na hindi magdudulot ng pagkabulok ng ngipin.
Ang mga siyentistang nakatuklas ng nasabing kendi ay mula sa kompanyang OrganoBalance at nagawa nila ang kendi matapos pag-isipan kung bakit ba nakakabulok ng ngipin ang mga pagkaing matatamis.
Matagal nang alam ng mga dalubhasa na ang dahilan ng pagkabulok ng ngipin ay mga mikrobyong natitira sa bibig matapos kumain. Ang mga mikrobyong ito ang bumubutas sa mga ngipin at nagdudulot nang pagkabulok.
Kaya naman simple lang ang naging solusyon ng mga siyentista sa pagtuklas ng kendi na hindi nakakapagpabulok ng ngipin: ito ay ang bawasan o kung maari ay lubusang alisin ang mga mikrobyong nasa kinakain upang mapigilan ang pagkabulok ng mga ngipin.
Bukod sa pagbawas ng mikrobyong nakakasama sa ngipin, dinagdagan din ng mga siyentista mula sa Organobalance ang kendi ng isang uri ng mikrobyo na pumapatay naman sa mga mikrobyong nagdudulot ng pagkabulok ng ngipin.
Naging matagumpay ang eksperimento ng mga siyentista nang una nilang subukan ang bisa ng naimbentong kendi. Napag-alaman nila na ang mga pinakain nila ng kanilang bagong tuklas na kendi ay may mas mababang bilang ng mga mikrobyong nakakabulok ng ngipin kumpara sa mga kumain ng pangkaraniwan na kendi lamang.
Wala pang sinasabi kung kailan ibebenta sa merkado ang mga bagong tuklas na kendi mula sa Germany.