NARANASAN n’yo na ba na habang natutulog ay bigla na lamang magigising at nakakaramdam ng paninigas ng mga kalamnan sa binti. Ito ay leg cramps o pamumulikat. Ang tinatamaan nito ay ang “calf muscles” sa binti. Ito kasi ang muscle na madalas nating iginagalaw. Heto ang karaniwang sanhi kung bakit pinupulikat:
Matinding pag-eehersisyo o activities na masyadong physical.
Paulit-ulit na paggamit ng parehong muscle.
Pagtayo nang matagalan sa maghapon.
Pag-upo nang hindi wasto (nababaluktot ang dakong binti’t paa).
Pagtulog na nakatutok ang electric fan o aircon sa dakong binti.
Sakaling dumating ang atake ng pulikat habang lumalangoy, huwag magpanik. Piliting mag-float lamang sa tubig habang nagaganap ito. Kapag tapos na ang atake ng pulikat, marahang ikampay ang mga paa hanggang sa makahingi ng tulong sa mga kasamahang naglalangoy din.
Ang mga naglalaro ng basketball ay karaniwan ding pinupulikat. Matindi kasi ang pressure ng calf muscles habang nagba-basketball.
Kung nagiging madalas naman ang atake ng pulikat, maiging magpa-blood test para sa level ng calcium sa dugo. Ang mababang level ng blood calcium (tinatawag na “hypocalcemia”) ang isa sa posibleng sanhi ng pamumulikat. Kumain ng pagkaing mayaman sa calcium (keso, dilis, gatas, at iba pang dairy products).
Narito ang remedyo sa pamumulikat:
Kung nararamdaman ang pagdating ng pamumulikat, iunat lamang ang apektadong binti (hindi nakabali sa tuhod), at piliting higitin ang dulo ng paa pataas (toes should be pointing upwards). Kung nakaupo, iunat din ang buong binti’t paa, at abutin ng kamay ang paa. Hatakin ang dulo ng paa (yung may mga daliri) papunta sa direksyon ng katawan (toes pointing upwards). Panatilihin ang ganung posisyon sa loob ng ilang minuto hangga’t may atake pa.
Kung natuloy ang matinding pulikat at naiwang nananakit ang mga kalamnan sa binti (calf muscles), maglagay ng hot compress sa naturang kalamnan. Puwedeng maglagay ng maligamgam na tubig sa isang bote, balutin ito ng tuwalya, at ipatong o pagulungin ito sa apektadong kalamnan.
Puwede ring maligo ng maligamgam na tubig. Makatutulong ito sa nanakit na kalamnan.
Puwedeng uminom ng pain reliever gaya ng paracetamol, ibuprofen, mefenamic acid.
Uminom nang maraming tubig kapag mag-eehersisyo (tatakbo, maglalangoy, magba-basketball) lalo na kung mainit ang panahon.
Kung mangyari ito sa mga bata, ipaunawa na karaniwang nangyayari ang pamumulikat at ito’y mawawala rin.