NOONG nakaraang taon na nag-SONA si President Noynoy Aquino, meron siyang pinatamaang ahensiya ng pamahalaan na deretsahan niyang sinabi ‘‘saan po kaya kumukuha ng kapal ng mukha ang mga taong ito?’’ Nitong nakaraang SONA, walang sinabing ganito si P-Noy sa halip pawang papuri ang kanyang ibinigay sa mga opisyal. Pinuri niya ang DPWH dahil maraming nagawang kalsada at inprastruktura; ang DepEd dahil umano sa maayos na sistema ng edukasyon at nalutas ang kakapusan sa mga silid-aralan; ang DSWD dahil sa mahusay na pangangalaga at pag-aasikaso sa mga biktima ng kalamidad; ang DND dahil sa mahusay na pangangalaga at pagprotekta sa sambayanan; pinuri ang DoLE, DILG, DA at oops… pati ang PNP.
Ba’t pati PNP? Sana sa halip na puri, inupakan sana niya ng sermon ang PNP. Bakit pupurihin gayung mataas ang krimen sa Metro Manila. Bakit pararangalan gayung hindi kayang kontrolin ang riding-in-tandem at iba pang criminal element na nagsasabog ng lagim.
Pinuri ng Presidente ang mga pulis dahil daw sa pagresponde agad sa nakawan sa isang mall sa Pasay City. Kung hindi raw sa maagap na pagdalo ng mga pulis ay hindi mahuhuli ang suspek. Hindi marahil alam ng Presidente na ang mga pulis na nagresponde ay ilang metro lang ang layo sa pinangyarihan ng nakawan. Natural na madali silang makakaresponde roon. Ang mga pulis ay doon mismo sa mall nagbabantay kaya dapat lang na mapangalagaan ang lugar. Pero nalusutan pa rin sila.
Hanggang ngayon, hindi masawata ng PNP ang pagsalakay ng riding-in-tandem. Maraming napapatay, ninanakawan, inaagawan ng bag, cell phone at iba pa. Hindi rin makontrol ng PNP ang pagdadala ng baril. Nagkalat ang baril ngayon na kahit ang drayber ng mga UV Express ay may dalang baril at nanunutok sa mga nakakagitgitan sa kalye.
Sermon ang dapat ipinagkaloob sa PNP. Kailangan silang sermunan para maipaunawa ang kanilang pagkukulang sa sambayanan. Kailangan ang kanilang presensiya sa kalye lalo na sa gabi.