Manong Wen (7)

HABANG binabalikan ni Jo sa alaala ang mga pinagsamahan nila ni Manong Wen sa Saudi ay muli siyang nakadama ng pagsisisi kung bakit hindi man lamang ito nadalaw sa Socorro. Talagang totoo na kapag wala na ang isang tao ay saka lamang nare-realized ang kahalagahan. Sana kahit man lamang minsan ay nadalaw niya ito. Isinulat pa naman ni Manong Wen ang address niya sa Socorro at saka ibinigay sa kanya. Umaasa na dadalawin niya. Pero nakailang bakasyon siya ay hindi man lamang niya naaalala si Manong Wen.  Dahil siguro may problema siya ng mga panahong iyon.

Naalala niya na minsan ay pinagtanggol siya ni Manong Wen sa isang kasamahan na nambu-bully. Siguro’y mga isang linggo na siya sa Saudi noon. Gagamit siya ng washing machine. Doon sa kanilang tirahan ay mayroong laundry room. May apat na washing machines doon. Ang tatlo ay nakita niyang may laman. Ang isang bakante ang kanyang ginamit. Inilagay niya ang mga maruruming damit. Pero hindi pa niya nailalagay ang mga damit ay dumating ang kasamahan nila na kung tawagin ay si Bayawak.

Sinita siya ni Bayawak. Sa kanya raw ang washing machine na iyon kaya alisin niya ang damit at gagamitin niya. Palibhasa’y baguhan siya, nanginginig pa siyang inalis ang mga damit. Natakot siya kay Bayawak.

Hanggang sa dumating si Manong Wen. Nakita nito ang ginagawa niyang pagkuha sa mga damit sa washing machine. Tinanong siya nito kung bakit inaalis ang mga damit. Bago siya sumagot ay napatingin siya kay Bayawak na noon ay nakapamaywang. Sinabi niya kay Manong Wen na mayroon palang may may-ari ng washing machine --- si Bayawak nga.

Nanlaki ang mga mata ni Manong Wen. Huwag daw maniwala kay Bayawak. Ang mga washing machine ay para sa lahat ng empleado. At saka kinuha sa kanya ang mga damit at ibinalik sa washing machine. Ipagpatuloy daw niya ang paglalaba. Huwag daw akong matakot kay Bayawak. At saka tiningnan nang masama si Bayawak. Handang lumaban si Manong Wen. Walang katakut-takot kahit na malaking tao si Bayawak. Hindi naman nakapalag si Bayawak. Duwag pala. Umalis na lamang ito.

Ganoon na lamang ang pasalamat niya kay Manong Wen. Mabuti na lamang at dumating siya. Sabi pa ni Manong Wen, kapag inagrabyado o binully-bully  raw siya ni Bayawak, isumbong daw sa kanya at uupakan niya ito. Hangang-hanga siya kay Manong Wen.

Saka ay muling nagsisi si Jo kung bakit hindi nadalaw man lamang ang tinuring na kaibigan.

Hanggang sa maipangako ni Jo na tutulungan ang mga anak ni Manong Wen. Kahit man lamang doon ay makaganti siya rito. Babalik siya sa Socorro para tulungan sina Princess at Precious.

(Itutuloy)

Show comments