KUNG iisipin, mahirap paghaluin ang sining ng pagpipinta at pagboboksing pero ito ang ginagawa ng isang pintor sa Netherlands. Nagpipinta siya gamit ang kanyang mga kamao.
Siya si Bart Van Polanen. Bago naging pintor, dati siyang boksingero. Nagsanay siya ng pagboboksing sa ilalim ng sikat na boksingerong si Joe Frazier at nakailang propesyunal na laban din siya. Mayroon din siyang sariling boxing gym.
Bagama’t ngayon ay nasa pagpipinta na ang pokus ni Bart, malaki pa rin ang impluwensya ng kanyang naging karanasan sa pagboboksing sa kanyang sining.
Bago simulan ni Bart ang kanyang mga obra, magsusuot muna siya ng boxing gloves. Kapag suot na ang gloves, isasawsaw niya ang mga ito sa pintura at susuntok nang malakas sa isang punching bag na nababalutan ng canvas. Nabubuo ang kanyang obra mula sa mga pinturang tumilamsik sa canvas matapos niyang suntukin.
Para kay Bart, ang mga larawan na kanyang ipininta gamit ang kanyang mga kamao ay biswal na representasyon ng kanyang galit at bagsik na nailalabas niya sa pagboboksing.
Ipinagmamalaki ni Bart ang kanyang kakaibang istilo ng pagpipinta dahil nakagagawa siya ng sining mula sa boxing.