Manong Wen (3)

HINDI makapagtanong si Jo kay Princess tungkol sa ina nito at kung bakit sila iniwan. Masamang tingnan lalo pa at noon lang sila nagkita. Kahit na kilala na pala siya ni Princess dahil madalas makita ang kanyang mga retrato na kasama si Manong Wen sa Saudi. Bakit kaya iniwan sila ng ina? Marami pala siyang hindi nalalaman ukol kay Manong Wen kahit matagal din silang nagkasama sa Saudi.

“Ay magmeryenda ka pa po pala muna Mang Jo. Sandali po at kukuha ako.’’

“Sige Princess, medyo nagugutom na nga ako.’’

“O baka gusto mo na po na kumain ng kanin. Tanghalian na po.’’

“Sige Princess. Kahit nakakahiya ay kakapalan ko na ang mukha dahil ako ay gutom na. Alas tres pa ako nang madaling araw nang umalis sa Maynila. First time kong makasakay sa barko.’’

“Mabuti po at hindi ka nagsuka sa barko.’’

“Medyo nga. Malalaki ang alon. Parang hinahalukay ang sikmura ko.’’

“Lakihin po ang alon ngayon, Mang Jo.’’

“Malayo pala itong sa inyo. Pagbaba ko sa bayan ng Socorro ay nagtraysikel pa ako patungo rito. Mabuti at yung nasakyan kong traysikel ay tagarito sa Bgy. Villareal at alam itong bahay n’yo.’’

“A opo alam na alam nga po itong sa amin. Sige po Mang Jo at ipaghahanda ko ikaw ng tatanghalianin. Sandali lamang po, Mang Jo.’’

“Sige Princess, salamat.’’

Habang nag-iisa sa salas ay pinagmamasdan ni Jo ang kabuuan ng bahay. Marami pang hindi tapos. Wala pang pintura ang mga dingding pero napalitadahan na. May maliit na TV --- mga 14 inches na nakapatong sa pandak na kuwadradong mesa. Tanda niya, nasabi minsan ni Manong Wen sa kanya na balak nitong bumili ng TV sa Saudi. Pero nang bibili na sa Batha ay umatras. Saka na lang daw. Gumagana pa naman daw ang lumang TV. Siguro ay ito ang TV na iyon. Hindi niya alam kung gumagana pa dahil hindi naman nakabukas. Matipid talaga si Manong Wen.

Tanging ang TV at maliit na electric fan at sopang kinauupuan niya ang nasa salas. Walang gaanong nabili sa Saudi si Manong Wen. Hindi tulad ng iba na bili rito, bili roon.

Kaya nga mahigpit ang payo sa kanya ni Manong Wen na huwag bibili kung hindi naman kailangan.

Maya-maya, palapit na si Princess.

‘‘Halika na po Mang Jo. Kain na po ikaw.’’

Tumayo si Jo at sumunod kay Princess sa kusina.

“Pagpasensiyahan mo na po ang ulam. Ginataang langka po at pritong tilapia.’’

‘‘Aba masarap yan. Tamang kombinasyon. Halika kumain ka na rin.’’

“Busog pa po ako. Kumain ka lang po Mang Jo at may kukunin lang ako sa labas at baka mabasa ang mga bunot na pinatutuyo ko.’’

Kumain si Jo. Gutom siya. Sunud-sunod ang subo. Masarap ang ginataang langka at tilapia. Nabusog siya.

Iginala niya ang pa-ningin sa kusina. May mga sariwang dahon ng saging na nakabilot at may mga aluminyong bilog na hulmahan. Nakahanda na ang mga hulmahan dahil may sapin na dahon.

Inililigpit niya ang pi­nagkainan nang pumasok si Princess.

‘‘Ako na po.’’

Nagbalik si Jo sa salas at naupo.

Nang matapos sa kusina si Princess ay ipinag­patuloy nila ang pag­ku­kuwentuhan ukol kay Manong Wen at mga nang­yari rito nang magkasakit.

Hanggang may maita­nong si Jo, “Ano ang pi­nag­kakakitaan n’yo nga-yon, Princess?’’

“Bibingka po.’’

“Bibingka?’’

“Nagbibibingka po ako.’’ (Itutuloy)

Show comments