Zumba
POPULAR na sa Pilipinas ang ehersisyong Zumba na una kong nabalitaan sa isang kaibigang naninirahan sa Amerika. Kamakailan lang, dahil sa Zumba, nagulat akong matuklasan na magkakilala ang isang pinsan ko at isang dating kasamahan sa hanapbuhay. Naging ‘magkaeskuwela’ kasi sila sa isang Zumba class. Maliit talaga ang Daigdig.
Marami na ring sumusubok sa Zumba. Mga magkakaopisina, magkakabarangay, magkakapitbahay, magkabarkada at iba pa. Bata man o matanda, ano man ang edad, maaaring sumali. Noong araw, meron lang tinatawag na aerobics para sa mga gustong magbawas ng timbang o magpaseksi.
Ano ang Zumba? Ayon sa mga impormasyong makakalap sa Internet, isa itong klase ng ehersisyo na pinagsama ang mga elemento ng sayaw at aerobics. Isang dance fitness program na nilikha ng Columbian dancer at choreographer na si Alberto Perez noong dekada ‘90. Sinasabing aksidente lang ang pagkakatuklas niya sa Zumba. Nagtuturo rin noon ng aerobics si Perez. Minsan, nakalimutan umano ni Perez ang kanyang tape ng mga aerobics music para sa kanyang klase. Pumunta siya sa kanyang kotse, nakinig ng mga awitin na kinabibilangan ng tradisyunal na salsa at merengue. Bumuo siya ng isang klase na gumagamit ng mga non-traditional aerobic music. Nang magtagumpay ito sa Colombia, lumipat siya sa United States at sa pamamagitan ng samahan nila nina Alberto Perlman at kababatang si Coo Alberto Aghion, ginawa nila ang isang demo reel at natuklasan ang konsepto ng Zumba.
Maraming video at produktong Zumba na ibinebenta ng organisasyong tinatawag na Zumba Fitness. Umaabot na umano sa 14 na milyong tao sa 140,000 lokasyon sa mahigit 185 bansa ang dumadalo sa mga Zumba session. Inaabot ng isang oras o higit pa ang isang sesyon na itinuturo ng isang instructor na lisensiyado ng Zumba Academy. Kabilang sa ehersisyo ang mga mabibilis at mababagal na tugtugin kasama ng resistance training. Kabilang sa mga sayaw na sinasabayan ng ehersisyo ang cumbia, salsa, merengue, mambo, flamenco, chachacha, reggaeton, soca, samba, hip hop music, axé music at tango.
Nakakatulong sa popularidad ng Zumba ang pagsali ng celebrities. Sa Pilipinas, nakiki-Zumba na rin sina Marian Rivera, Iya Villania, Gretchen Barretto at iba pa. Sa mga dayuhang celebrities, nababanggit ang pangalan nina Jennifer Lopez, Jackie Chan, Kirstie Alley, Jennifer Love Hewitt, Natalie Portman, Halle Berry at Tony Braxton.
Isa lang sa maraming klase ng ehersisyo ang Zumba pero ang maganda rito, naaakit ang maraming tao na dagdagan ang kanilang mga pisikal na aktibidad para sa ikakaganda ng kanilang kalusugan. Isang daan na namumulat ang iba sa kahalagahan ng ehersisyo sa katawan.
- Latest