(Ngayon pa lamang ay bumabati na ako kasama ng aking buong sambahayan sa lahat ng mga kapatid sa Iglesia Ni Cristo (INC) sa buong mundo sa pangunguna ng ating Tagapamahalaang Pangkalahatan, Executive Minister Eduardo Manalo ng isang Maligayang ika-100 anibersaryo.)
* * *
Naipasa na kamakailan ng Quezon City Council ang ordinansang pagsusuot ng vests o anumang sleeved clothing na doon nakalagay ang plaka ng sasakyan ng mga riding-in-tandem na papasok sa lungsod.
Tanging ang approval na lamang ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ang hinihintay para ito tuluyang maipatupad.
Ang principal author sa naturang ordinansa ay si 2nd district councilor Ranulfo Ludovico. Ito ay nilikha dahil na rin sa serye ng krimen na kinasasangkutan ng mga tandem.
Hindi pa man tuluyang naipapatupad, ilang motorcycle groups na ang nagprotesta ukol dito kasabay nang pagsasabing hindi sila ang dapat na puntiryahin kundi ang marapat ay ang palakasin ang police visibility para malabanan ang mga krimen na kinasasangkutan ng tandem.
Sa ilalim ng ipinasang measures, na pagsusuot ng vest na may plaka ay ipapatupad lamang sa mga tandem o may mga angkas at hindi sa nag-iisang rider.
May itinakda ring sukat sa mga letra at numero ng plaka na ilalagay sa vests na six inches sa height at one inch ang width.
May itinakda ring parusa sa mga mahuhuling lalabag sakaling tuluyan na itong ipatupad.
Mukhang kapansin-pansin na naman kasi ang pamamayagpag ng tandem na mga kriminal.
Noon lamang nakalipas na Lunes sa isang parking area sa Makati, patay ang isang trader na niratrat ng tandem, ang siste, isang paslit na 8-anyos ang nadamay at tinamaan ng ligaw na bala na pinakawalan ng mga ito.
Kamakalawa naman sa Sta. Cruz, Manila, tandem na kawatan din ang humoldap at bumaril pa sa isang negosyante na kumakain lamang noon sa isang restaurant.
Maganda ang layunin ng panukala, yun nga lang siyempre hindi maaalis na umalma ang mga grupong maaapektuhan nito.
Pero bakit nga ba hindi muna natin subukan, baka makatulong para malabanan o mapababa man lang ang mga operasyon ng mga kawatan o kriminal na tandem.
Sabayan pa dapat ito ng mahigpit at masusing pagbabantay ng pulisya baka sakaling maging epektibo na nga.