DINADAYO ng libu-libong turista taun-taon ang bayan ng Inakadate sa Japan dahil nagawa ng mga magsasaka roon na pagsamahin ang pagtatanim ng palay at ang paggawa ng sining. Bukod sa mga tanim na palay ay makikita rin ang mga dambuhalang imahe na animo’y iginuhit sa malalawak nilang bukirin.
Nagsimulang magkaroon ng mga higanteng imahe ang mga palayan sa Inakadate mga 20 taon na ang nakakaraan. Kilala kasi ang Inakadate sa pagkakaroon nila ng kakaibang mga palay at sa lawak ng kanilang mga bukirin. Upang mas lalong makilala ang Inakadate sa pagtatanim ng palay at upang maengganyo ang mga turista na bisitahin ang kanilang bayan, naisip ng lokal na pamahalaan na gumawa ng isang atraksyon na may kinalaman sa kanilang mga palayan.
Sa puntong iyon nila naisip na magdisenyo ng mga malalaking imahe sa kanilang mga palayan.
Nagagawa nilang bumuo ng mga larawan mula sa kanilang mga bukirin sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang uri ng mga palay. Hindi na nila kailangan pang gumamit ng artipisyal na kemikal ang mga magsasaka ng Inakadate upang magkaroon ng iba’t ibang kulay ang kanilang mga palay dahil maraming uri ng palay sa Japan ang natural nang may kakaibang kulay. Ilan lamang sa mga kulay ng kanilang mga palay ay pula, dilaw, at puti.
Hulyo hanggang Setyembre ginagawa ang mga dambuhalang larawan sa mga palayan sa Inakadate, kaya naman iyon ang mga buwan na pinakamagandang bumisita sa nasabing bayan.
Sa ngayon ay marami na ring bayan sa Japan ang nagsunuran sa paggawa ng mga higanteng larawan sa mga palayan pero bukod tangi pa rin ang bayan ng Inakadate sa paglikha ng kakaibang sining na ito.