Uok (219)
“NAKAKATAWA ba ang itsura ko, Drew?’’ tanong ni Gab na hindi na galit sa nobyo.
“Oo. Kasi nga’y takot na takot ka sa alupihan. Masyado kasing malaki ang alupihan. Yung alupihan na makamandag.’’
“Oo nga, Drew. Masyadong malaki ang alupihan. Naninindig ang balahibo ko kapag naaalala yun. Itim at pula ang alupihan. Makamandag nga raw yun.’’
“Palagay ko sa butas ng kawayan nanggaling ang alupihan. Kasi gusto ng mga alupihan sa malamig na lugar. Katulad din ng alakdan na nakatira sa mga halumigmig na lugar na gaya ng katawan ng saging. Ang alupihan ay gusto sa mamasa-masang loob ng kawayan.’’
“Pero bakit siya lumabas at gumapang sa tuwalya ko?’’
“Kasi’y natakpan ang lungga niya. Akala siguro nasa panganib siya kaya lumabas. Sa tuwalya mo gumapang.’’
‘‘Mabuti na lamang at matapang si Manang --- ‘yung babaing kasama ko sa bahay. Nakadampot agad ng walis at pinalo nang pinalo ang alupihan. Narinig kasi agad niya ang pagsigaw ko. Akala siguro ay kung ano ang nangyari sa akin.’’
‘‘Nakita ko nga nang hampasin ng kasama mong babae ang alupihan na nasa ibabaw ng tuwalya. Hinampas nang walis ang alupihan. Ikaw naman ay takot na takot na nakatingin lang habang pinapatay ang alupihan.’’
“Kilabot na kilabot ako nun, Drew.’’
“Hindi mo naisip na hubad na hubad ka, Gab?’’
“Hindi. Kasi nga’y nasa alupihan ang atensiyon ko.’’
“Pagkatapos mapatay ang alupihan ay ano ang ginawa mo? Hindi ko nakita ang bahaging iyon dahil natakpan ka na ni Manang.’’
“Bigla akong pumasok sa loob. Iniwan ko na si Manang habang dinadampot ang patay na alupihan. Hindi ko na alam ang sumunod. Kumuha na lang ako ng bagong tuwalya at panty.’’
“Hindi mo na naalala ang kuwintas?’’
‘‘Hindi. Naalala ko lang ang kuwintas kinagabihan at hindi pa ako sigurado kung saan ko naiwan. Nang itanong ko kay Manang, kung may nakita siyang kuwintas, wala raw. Hindi ako mapakali. Kasi’y regalo sa akin ni Daddy iyon. Kaisa-isang regalo noong nasa Saudi pa siya.’’
“Pero hinanap ninyo ang kuwintas sa ilalim ng batalan?’’
“Hindi nga. Kasi hindi ko maalala kung saan naipatong.’’
“A kaya pala.’’
“Hanggang sa magsawa kami sa paghahanap. Nawalan na ako ng pag-asa na makikita. Hindi ko alam kung paano sasabihin kay Daddy. Hanggang sa umuwi na ako sa Maynila. Iyon pala ay ikaw ang nakakita ng kuwintas.’’
“Hindi ako kundi si Tiyo Iluminado. Nakabaon na raw sa putik ang kuwintas nang makita niya. Ibinigay niya iyon sa akin. Bahala raw kung ano ang gawin ko. Mamahalin daw ang kuwintas. Saudi gold kasi.’’
“Oo nga. Dapat pala magpasalamat ako kay Tiyo Iluminado.’’
Napangiti naman si Drew.
‘‘Naniniwala ka nang mahal kita at hindi lang ang katawan mo ang pinagnanasaan ko?’’
Nagtawa lamang si Gab.
(Itutuloy)
- Latest