ISA sa malaking problema ng bansa ngayon ay ang nararanasang rotating brownout. Hindi pa 100 percent naiba-balik ang kuryente makaraang manalasa sa Southern Luzon at Metro Manila ang Bagyong Glenda. Ayon sa Meralco, ang pagkasira ng ilang power plant at ang manipis na power reserve ang dahilan kaya may power interruption.
Tinatayang magkakaroon ng kakapusan ng suplay ng kuryente sa hinaharap gaya nang nangyayari sa kasalukuyan kaya kailangan nang magtayo ng mga bagong power plant upang matustusan ang pangangailangan ng bansa.
Pero ayon kay Department of Energy (DOE) secretary Jericho Petilla, ngayon pa lang magtatayo ng karagdagang power plant at matatapos umano ito sa 2017.
Patunay ito na pumalpak na naman ang gobyerno. Sana, noong 2010 na pagpasok pa lang ng Aquino administration ay ginawa na ang power plant, hindi sana natin nararanasan ang rotating brownout.
Pero sa kasalukuyang power plants ay lubhang napakamahal ng kuryente na masyadong pabigat sa mamamayan dahilan upang umangal ang mga negosyante. Umayaw naman ang dayuhang investors na pumasok sa bansa. Isa sa malaking konsiderasyon sa mga negosyante ay ang presyo sa kuryente na mas mura kumpara sa iba pang kalapit bansa sa Asya.
Panahon na upang pag-aralan at ikonsidera ang paggamit ng nuclear power plant na magpapababa sa presyo ng kur-yente. Puwede naman itong tiyakin na ligtas. Kapag naresolba at bumaba ang presyo ng kuryente, malaking ginhawa ito sa mamamayan at mga negosyante.