IPINALABAS kagabi sa GMA News TV ang Reel Time presents: Solo, isang dokumentaryo tungkol sa single parents. Ang desisyon ng produksyon na gumawa ng ganitong documentary ay dahil sa pagpapahiya ng Cebuanong pari sa isang single mother sa binyag ng anak nito.
Blessed ako na maging isa sa subjects ng Solo. Karangalan sa akin ang maging instrumento upang mabigyan ng impormasyon ang publiko sa buhay ng solong magulang. Sa docu ko rin nalaman na may Solo Parents’ Welfare Act (SPWA).
Ang SPWA ay naglalayong pagaanin ang bigat ng pagiging nag-iisang magulang ng bata. Ang Solo Parent ay sinumang babae na nagsilang ng batang bunga ng panggagahasa o anumang krimeng labag sa karapatan ng mga kababaihan, kahit hindi pa napagpapasyahan o nahahatulan ng hukuman, sinumang magulang naiwang mag-isa o iniwanan ng responsibilidad ng pagiging magulang dahil sa pagkamatay ng asawa, o nakulong na asawa, pagiging imbalido ng asawa (mental o pisikal), paghihiwalay ng mahigit sa isang taon, hindi kasal sa isa pang magulang ng anak na siyang umako ng responsibilidad sa bata, kahit sinong taong tumatayo at ginagampanan ang tungkulin ng isang magulang sa isang bata, sinumang miyembro ng pamilyang sumalo sa responsibilidad ng pagiging magulang sa bata bunsod ng pagpanaw ng mga magulang nito. Hindi kasama sa mahihirang na Solo Parent ang mga magulang na ang asawa ay nasa ibang bansa at doon nagtatrabaho dahil technically ay ginagampanan pa rin naman nito ang kaniyang responsibilidad bilang magulang at asawa; liban lamang kung mapapatunayang bagamat kasal ay inabandona na ang pamilya rito.
Katulad ng Senior Citizens at Persons with Disabilities, ang mga Solo Parents ay magkakaroon din ng ID mula sa City/Municipal Social Welfare and Development Office. Ang mga sumusunod ang requirements para makapag-apply ng Solo Parent ID: Barangay certificate bilang patunay na residente ng lugar, dokumento o ebidensiyang magpapatunay na solo parent (death certificate ng asawa, deklarasyon ng paghihiwalay ng mag-asawa, medical certificate kung incapacitated ang asawa etc.) at Income Tax Return o certificate mula sa barangay o municipal treasurer. Matapos ang assesment at isang buwan ay pagkakalooban ng Solo Parent ID na gagamitin upang makahingi ng tulong mula sa pamahalaan pagdating sa kabuhayan, trabaho, edukasyon, pabahay, tulong medikal at isang linggong parental leave.
Dapat amyendahan ang batas upang mas mapabilis ang pagkakaroon ng Solo Parent ID. Imbis na isang taon munang iabandona ang anak bilang patunay, sana ay maging anim na buwan para mas maagang makahingi ng tulong ng single parent. Sana, magkaroon din ng probisyon para magkaroon ng bawas o discount sa mga gatas, diapers, matrikula etc. at ilan pang pangunahing pangangailangan ng bata. Ang paid maternity leave ay idagdag din. Dapat isulong ang batas na ito upang tumaas ang kamalayan ng mga tao. Dapat well-informed ang mga single parents na sila ay may maaasahang tulong sa pamahalaan.