Anong kulay kaya ang mananaig?
Ngayon kasi sisimulan ng mga Hukom, miyembro ng judiciary at mga court employees ang pagsusuot ng itim at pula na umano’y pagdedeklara nila ng sariling giyera laban sa pagbatikos ni Pangulong Noynoy sa desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang ilegal ang DAP.
Bukod dito, sinasabing ilang grupo rin ang posibleng sumuporta sa ‘black at red protest’ na ito.
Sa buong bansa ang sinasabing pagpapakita ng suporta sa Mataas na Hukom laban sa mga banat na ginawa ni PNoy.
Ito rin umano ang pantapat ng nasa judiciary kasama ang mga court employees at iba pang supporters sa panawagan naman ng Pangulo na pagsusuot ng dilaw o yellow ribbon matapos ngang ideklara ng SC na ilegal ang DAP.
Hindi lang yan ang mga militanteng grupo naman color peach naman ang sinasabing pantapat sa dilaw na kulay ni PNoy.
Ito na ngayon ang masasabing labanan ng kulay.
Ang siste bilang kumambiyo ang Malacañang kasabay nang pagsasabing nagbibiro lang daw ang Pangulo sa panawagan nitong pagsusuot ng dilaw o ribbon na dilaw laban sa desisyon ng Korte Suprema.
Sabi ng mga nag-uumpukan sa kanto, weee di nga! Kaya lang daw sinabi ngayon na nagbibiro lang eh dahil sa walang kumagat sa panawagang dilaw.
Nawala na nga ba ang magic ng dilaw?
O hindi naman kaya, wrong timing ang panawagan ni PNoy na pagpapakita ng kulay, lalu na nga’t sa pinahuling survey ay laglag ang kanyang rating.
Anong kulay man ang siyang mangibabaw, abay dapat na ngayon pa lang ay maayos na ang banggaang ito dahil kung hindi, pihadong panganib ang dulot nito.