MASAYANG inaabangan ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo ang kanilang Centennial celebration sa Bulacan sa Hulyo 27. Subalit ang pinakamasaya sa kanila lahat ay si Ruel Robles na may nakalatag na video karera at mga butas ng bookies ng karera sa area ng Station 3 ng Manila Police District (MPD). Ginagamit ni Robles ang INC para kumita, di ba mga kosa? Sa pagkaalam ko, bawal itong illegal na negosyo para sa INC members at maaring maging daan ito sa pagkaligwak ng miyembro sa religious sect. Ang magandang halimbawa ay sina Nilo, Niño at Allan Espeleta na itiniwalag ng INC leadership sa Pasay City matapos magreklamo sa tong collection activities. Tulad ni Robles, ginagamit ng Espeleta brothers ang INC para makuha nila ang basbas ng mga police officials para maging tong collector nila. Kung natiwalag ang Espeleta brothers, dapat isunod na ng INC si Robles para malinis ang hanay nila ng mga tiwaling miyembro, di ba mga kosa? Hehehe! Malapit na ang INC Centennial kaya sa tingin ng mga kosa ko malapit na ring mahusgahan si Robles. T’yak ‘yun!
Kung lumalago ang video karera at bookies ng karera ni Robles, ganun na din ang bookies ng karera ng magkasosyong SPO4 Roberto “Obet” Chua at Ferdinand “Ferdie” Sy sa siyudad ni Manila Mayor Erap Estrada. Sinabi ng mga kosa ko na itong sina Chua at Sy ay mga alipores noon ni dating Mayor Alfredo Lim at sa panahon ni Erap ay patuloy ang pananagana nila. Si Chua ay tong collector din ng CIDG Manila Field Office at ng CIDG NCR, anang mga kosa ko. Naka-detail si Chua sa opisina ni Chief Supt. Asher Dolina, ng Directorate for Operations ng PNP sa Camp Crame. Kung si Dolina ay umuugong na papalit kay Chief Supt. Jesus Gatchalian ng PRO4-A, baka maunsiyami pa dahil sa pagkalong n’ya kay Chua, di ba mga kosa? Si Sy naman ay anak ng gambling lord sa Maynila na si Apeng Sy. Totoo ba na ang kapatid na doktora ni Sy na si Marivic Laqui ay kasosyo nila ni Chua sa illegal nila? Hehehe! Ang hirap talagang kumita ng pera, no mga kosa? Mismo! Teka nga pala, ang mga bookies nina Chua at Sy ay matatagpuan sa Estero Cegado, at Tambacan, sa Chinatown, at Jorge Bocobo, Alhambra at Salas sa Malate. Get’s mo Mayor Erap Sir?
Sa Station 1 at 7 naman ang bigtime gambling lord ay si Rene Uy at ang bagman ay si alyas Bautista. Ang mga puwesto ni Uy ay sa Benita, Pag-asa, Kamalig, Hermosa, Sunog, Apog, at Velasquez na sakop ng Station 1 at sa Raxabago, Batangas, Molave, Dagupan, Pilar, Almeda, Tayuman at Pampanga Sts. Sa sakop naman ng Station 7.
Ang may hawak naman ng lagom na tong collection sa City Hall ng Maynila ay si Virgilio “Ver” Navarro. Mayroon ding mga butas ng bookies ng karera si Navarro na ang codename ay RL. Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan, di ba mga kosa?
Sina Robles, Chua at Navarro ay mga pulis at ang tanong lang ng mga kosa ko bakit hindi sila masuweto ni NCRPO chief Dir. Carmelo Valmoria? Abangan!