MATAPOS tayong hagupitin ng bagyong Glenda, naiwang may baha sa maraming lugar sa bansa. Muli na naman tayong matatakot sa mga posibilidad ng sakit gaya ng alipunga at leptospirosis.
Ang leptospirosis ay dala ng mikrobyong “leptospira,” isang uri ng bacteria. At dahil bacteria ang sanhi, puwedeng masugpo ito ng antibiotiko.
Kahit sino ay puwedeng dapuan ng leptospirosis, mula sa sanggol hanggang sa taong edad 90. Pero ang pinakaraming kaso sa ating bansa ay nakikita sa edad na 21-30. Karamihan sa tinatamaan nito ay mga kalalakihan. Pero hindi puwera ang mga kababaihan.
Nakamamatay ang leptospirosis kaya dapat ay maagap ang pagdalo rito. Ang nanay ng aking kaibigan ay napilitang lumusong sa baha matapos manggaling sa parlor kung saan ay nagpa-pedicure siya. Hindi niya akalaing pati ang kanyang nanay ay magkakaroon ng sakit na ito. Binawian ng buhay ang kanyang ina dulot ng kumplikasyong dala ng leptospirosis.
Nakapapasok ang baktiryang leptospira sa mga sugat ng balat kapag lumusong tayo sa baha, gulayan, o putikan na kontaminado ng ihi ng impektadong hayop, kasama na ang mga daga.
Ang mga sintoma nito ay lagnat, pananakit ng ulo at kalamnan at pamumula ng mata.
Kung matindi na ang kaso, nadadamay na ang ating atay, bato, o utak (nagkakaroon ng paninilaw ng balat, kulay-tsaang ihi, maputlang kulay ng pupu, kakaunting pag-ihi, at sobrang tinding pananakit ng ulo).
Matapos lumusong sa baha na may impektadong ihi ng daga, bumibilang ng 7-10 araw bago lumabas ang mga sintoma ng sakit na leptospirosis. Incubation period ang tawag dito.
Pero ang magandang balita ay nagagamot ang leptospirosis. Kailangang uminom ng antibiotikong bigay ng doctor (huwag mag-self medicate; hayaang ang doktor ang magreseta ng angkop na antibiotiko). Mahalaga ring maagang masimulan ang gamutan sa loob ng 2 araw matapos magka-lepto para makaiwas sa mga komplikasyong puwedeng ikamatay.
Heto ang ilang hakbang para makaiwas sa lepto: 1) Iwasang lumusong sa mga maruruming tubig gaya ng tubig-baha; 2) Gumamit ng anumang anyo ng proteksyon gaya ng bota o guwantes kapag kinakailangang lumusong sa baha; 3) Sugpuin ang pagdami ng mga daga sa bahay (mouse traps, rat poison).
***
Ang Project Duke, isang organisasyong naglalayong i-motivate ang mga out-of-school youth na muling magbasa at makapag-aral, ay nagsasagawa ngayon ng mga pagsasanay at workshops sa mga kabataan ng Balanga City, Bataan (matapos ang matagumpay na training na isinagawa nito sa Pasig City kamakailan). Kabilang sa kanilang programa ay ang Duke Readers’ Club, pagtatatag ng Duke’s Reading Center, pagdaraos ng Life 101:Duke’s Camp; iBark:Duke’s volunteer Program; at Right Tree Congress, gayundin ang Duke Scholarship Assistance Program. Ito ay sa pangunguna ng mga founding members na sina Richard Pasamba Nollen at Rosalee Pagnamitan, kasama ang iba pang miyembro na sina Fredrick Ho (kasalukuyang presidente), Jessica Clemente, at ang inyong lingkod, at sa pakikipagtulungan ng Balanga City Mayor Joet Garcia at City Administrator Rodolfo de Mesa. Bisitahin ang kanilang facebook account, www.facebook.com/ProjectDUKE.