KINAGABIHAN, tinupad ni Drew ang pangako kay Gab. Sa rooftop ng kanilang building sila nag-date. Kakaibang date sapagkat ang tanging tanglaw nila ay ang maliwanag na buwan at mga bituin. Parang kayang-kaya nilang abutin ang buwan at mga bituin.
Para maging masaya at memorable ang kanilang pagdi-date, nagpahanda si Drew ng mga pagkain at inumin nila. Maraming pagkain ang inihanda niya. Tinalo pa nila ang nasa restaurant. Siyempre silang dalawa lamang ang nasa rooftop.
“Ano ba yung sasabihin mo Drew? Sinasabik mo naman akong masyado,” sabi ni Gab habang hawak nang mahigpit ang palad ni Drew.
“Huwag kang magagalit.’’
“Ano nga yun?”
“Basta ipangako mo, hindi ka magagalit.”
“Oo sige, ano yun?”
“Di ba naitatago mo pa ang iyong kuwintas na napulot ko?’’
“Oo. Mahalaga sa akin yun. Regalo yun sa akin ni Daddy noong nasa Saudi pa siya.’’
“Di ba nawala ang kuwintas na iyon dito mismo sa lugar na kinatatayuan nitong building na ito.’’
“Oo. Ang nakatayo dati rito ay maliit na bahay na mayroong batalan. Hindi ko malilimutan ang bahay na iyon na may batalan.’’
“Di ba sa ilalim ng batalan nakuha ang kuwintas.’’
“Oo. Nalaglag ang kuwintas sa ilalim ng batalan.’’
“Nalaglag ang kuwintas habang naliligo ka di ba?”
Napatingin nang todo si Gab kay Drew.
“Teka ano bang kaugnayan ng kuwintas sa ipagtatapat mo?”
“Basta sagutin mo ako, Gab. Nalaglag ang kuwintas noong naliligo ka di ba?”
“Oo. Nahulog. Ipinatong ko sa damit ko.’’
“Kaya nahulog ay dahil may nakitang alupihan sa damit mo di ba?”
Napatingin uli nang todo si Gab kay Drew.
“Bakit mo alam Drew?’’
“Basta sagutin mo ako. May gumapang na alupihan sa damit mo di ba?”
“Anong kaugnayan ng alupihan, Drew?”
“Sagutin mo lang ako, Gab.”
“Oo na. Nagulat ako sa alupihan kaya nahulog ang kuwintas.’’
“Di ba pinatay ng kasama mong may edad na babae ang alupihan di ba?”
Takang-taka na si Gab.
“Bakit mo alam, Drew?”
Napangiti lang si Drew.
(Itutuloy)