NAG-IISANG naglalakad sa tabing dagat ng Fort Lauderdale, Florida ang isang lalaki. Nasisiyahan siya sa pagtanaw sa asul na dagat. Nang walang anu-ano, may nakita siya sa tinatapakang buhangin at muntik na niyang matapakan. Sinipat munang mabuti ng lalaki ang bagay at tinitiyak kung ano iyon. Bilog na bilog!
Nang damputin ng lalaki, namangha siya sapagkat mata (eyeball) pala iyon. Kasinglaki iyon ng softball.
Nagdalawang-isip ang lalaki kung dadalhin ang eyeball. Anong gagawin niya roon. At hindi niya alam kung anong hayop o isda ang nagmamay-ari ng eyeball. Sariwang-sariwa pa ang eyeball na para bang dinukit sa pinagkunan.
Hanggang sa magpasya ang lalaki na dalhin ang eyeball. Pagdating sa bahay, agad niyang inilagay sa refrigerator ang eyeball para mapanatiling sariwa ang eyeball.
Ipinasya niyang tumawag sa Florida Fish and Wildlife Conservation Commission (FWC) at ipinagbigay-alam ang eyeball na kanyang nakita.
Agad namang kumalat ang balita sa lugar na ang eyeball na nakita ng lalaki ay sa sea monsters. Marami ang natakot at nangamba na baka sumalakay ang sea monsters at ang mga nasa tabing dagat ang maging biktima.
Ganap namang napayapa ang kalooban ng mga residente nang dumating ang Wildlife authorities at sinabing ang mala-king mata ay sa isang swordfish. Hinala ng awtoridad, ang mga mangingisda ang may kagagawan kaya ang mata ay napadpad sa dagat. Nang mahuli umano ang malaking swordfish, inalisan ito ng mata at hindi nila alam na nahulog naman ito sa dagat.
(Hinango sa www.listverse.com)