‘Palasyo sa panaginip’

MGA haliging naging abo, kwartong naging hangin. Bahay na   dumaan sa panaginip at ng siya’y magising naglaho ng lahat.

“Hindi ako makalapit pero pag-aari ko na. Binayaran ko pero hindi ko magamit,” wika ni Elena.

Kapamilya na kung ituring ng taga Tondo, Manila na si Elena Joson, 44 taong gulang ang mga ahente na sina Elizabeth Galora at Herminia Flores. Ika-23 ng Setyembre 2008 nang lumapit sa kanya sina Lamberto Mendoza at ang kapatid nitong si Felicidad Martin.

“Binebenta nila sa akin ang kalahati ng lupa nila. Kasama ang dalawang ahente nun,” pahayag ni Elena. Sa pagkakaalam ni Elena ang iniaalok sa kanyang bahay na may lawak na 90sqm ay sanla-tira dati. Ipinagbibili sa kanya ang kalahati sa halagang Php300,000.  “Sa ganda ng pakikipag-usap nina Herminia at Elizabeth napapayag ako. Tumawad ako kaya’t napagkasunduan namin na Php270,000 na lang,” kwento ni Elena. Gumawa sila ng kasunduan ng pagbili at pumirma sina Herminia at Elizabeth bilang mga testigo dun. Bilang paunang bayad nagbigay ng Php35,000 si Elena. Nung sumunod na buwan hinulug-hulugan niya na ito.

“Nung malapit na naming mabuo ang napagkasunduan sabi ko titirhan na namin ang bahay pero sabi hindi pa daw pwede dahil hindi pa kami bayad,” salaysay ni Elena. Hiniling ni Elena na tingnan na lang ito ngunit hindi daw pumayag si Felicidad dahil kailangan mabayaran daw muna nila ng buo. Pagkabayad nila ng Php270,000 sinabi ni Elena na lilipat na sila dun. Nanghingi naman ng isang buwang palugit sina Felicidad. Pumayag naman si Elena na kahilingan nito. Inayos na ni Elena ang kanyang mga dadalhin sa bagong bahay. Ika-16 ng Marso 2009 nang malaman ni Elena na pinagiba (demolished) ang bahay ng tunay nitong may-ari.

“Nung malaman ko yun sinugod ko yung dalawang ahente. Kung bakit hindi nila sinabi sa ‘kin may demolition order na ang lupa. Binayaran ko sila pero hindi ko naman napakinabangan,” pahayag ni Elena. Binawi ni Elena ang kanyang ibinayad ngunit hindi naman maibalik ng mga ito. Nangako naman si Felicidad na huhulug-hulugan nito.

“Nakapag-abot sila hanggang sa umabot ng Php27,000. Pagkatapos nun wala ng sumunod,” ayon kay Elena. Napansin ni Elena na parang wala ng planong magbayad si Felicidad kaya naman lumapit siya sa isang abogado at sinampahan ito ng kasong ‘Estafa’. “Sabi ko sa abogado ipitin niya pati ang mga ahente dahil hindi ko bibilhin yang bahay kundi dahil sa kanila. Yung kapatid ni Felicidad na si Lamberto namatay na kaya silang tatlo na lang ang kinasuhan ko,” pahayag ni Elena.

Matapos ang ilang pagdinig, noong ika-15 ng Hunyo 2010 naglabas ng resolusyon si Rose Macrina Quien Tan, Special Counsel Member, Fourth Division ng Manila Prosecutor’s Office. Ayon dito sabi daw ng mga akusado si Elena ang nag-alok na bilhin ang lupa. Itinatanggi din daw ng mga ito na nakatanggap sila ng Php270,000 mula kay Elena. Nagbayad daw si Elena sa kanila ngunit hindi nabuo ang napag-usapan kaya naman nagpasya si Felicidad na ibalik na lang ang pera. Alam din daw ni Elena na may nakabinbing kaso tungkol sa pagpapagiba ng nasabing bahay nung panahong ibinenta nila ito.

Matapos mapag-aralang mabuti ang mga ebidensiyang inihain tungkol sa kaso, hindi nakitaan ng panlilinlang na nangyari sa pagbebenta ng nasabing lupa. Hindi naiprisinta ni Elena ang sapat na ebidensiya para makitaan ng probable cause ang kaso. Ang tanging ebidensiya niya lang ay ang kanyang reklamong salaysay. Sa pagitan ng pagtatanggi ni Elena na hindi niya alam ang kaso ng lupa at ang tiyak na deklarasyon na ito’y alam ni Elena. Mas mabigat ang positibong pahayag kaysa sa negatibong ebidensiya.

Pinaniniwalaan ng opisinang ito na hindi niloko ni Felicidad si Elena at wala ding sabwatang naganap dito dahil ang iba pang akusado na sina Herminia at Elizabeth ay pumirma bilang mga testigo lang sa kasunduan. Hindi rin napatunayan ni Elena na natanggap ni Felicidad ang Php270,000. Ang tanging dokumentong meron siya ay ang kasunduan ng pagbibili ng lupa ngunit walang nakasaad kung magkano ang naibayad na. Sa kakulangan ng ebidensiya na-dismiss ang kaso na inihain ni Elena. “Kung alam ko namang may kaso na ang lupa bakit ko naman bibilhin pa?” depensa ni Elena. Nang maningil daw ulit si Elena ay ayaw ng magbayad ni Felicidad dahil na-dismiss na daw ang kaso. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Elena.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang pagbabayad nung una ni Felicidad ay nangangahulugang inaako niya ang kanyang pagkakautang kay Elena. Hindi ibig sabihin na na-dismiss ang kaso ay mababalewala na ang paniningil ni Elena. May remedyo pa dito, yan ay ang paghahain ng Collection of Sum of Money. Hindi lamang nakapaglabas ng matibay na ebidensiya si Elena na siya’y niloko nina Felicidad kaya nadismiss ang kasong Estafa. Para kasi maisampa ang ganitong uri ng kaso kailangan mapatunayan mo na ika’y niloko at nilinlang ng iyong mga nirereklamo. Mas mabuting magpadala ka ng demand letter na nagsasabing kinukuha mo ang perang naibayad mo sa kanya noon.

Maging aral din sana ito sa iba pa nating kababayan na bibili ng lupa. Kinakailangan imbestigahan niyo muna ito at alamin kung may kaso bang nakabinbin dito. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. O mag iwan ng mensahe sa www.facebook.com/tonycalvento

 

Show comments