EDITORYAL - Hindi naipaliwanag ang DAP

NAGTALUMPATI si President Noynoy Aquino sa TV kahapon. Inabot ng 23 minuto ang kanyang talumpati. Ukol sa Disbursement Acceleration Program­ (DAP) ang kanyang tinalakay. Ito ang unang pagsasalita ng Presidente makaraang ideklara ng Supreme Court noong Hulyo 1 na labag sa Saligang Batas ang DAP.

Maraming naghintay sa talumpati ng Presidente. Marami ang nag-akala na magso-sorry siya dahil labag­ nga sa Saligang Batas ang DAP. May humula na itatama niya ang mga nagawang kamalian sa DAP at mag-o-ooffer ng mga magagandang plano para sa kanyang mga “boss”. May nag-akala rin na aalisin na niyang tuluyan si Budget Secretary Florencio Abad kahit tinanggihan niya ang pagre-resign nito noong Sabado.

Pero walang tumama alinman sa mga inakala ng mamamayan. Ang sinabi ng Presidente ay iaapela raw niya ang desisyon ng Supreme Court. Magpa-file raw ng motion for reconsideration ang Executive Branch. Sabi pa niya, marami raw nakinabang na tao sa DAP sa pamamagitan ng construction ng imprastruktura at pagpondo sa mga mahahalagang programa.

“Mabuti ang DAP. Tama ang intensyon. Tama ang pamamaraan. Tama ang resulta,” sabi ni Aquino. Mayroon pa siyang binanggit na probisyon sa Constitution na nagju-justified sa paggamit ng pondo ng DAP. Naniniwala raw siya na papanigan ng Kataas-taasang Hukuman kapag nabasa ang kanilang apela.

Natapos ang talumpati na walang malinaw na nakuha ang mamamayan ukol sa DAP. Walang nalaman ukol sa pondo na umano’y nabahiran din ng ka­tiwalian sapagkat nagamit din ng pork barrel queen Janet Lim Napoles. Nasaan na ang pondo at nagamit nga ba sa mabuting paraan?

Lalong lumabo ang DAP sa halip na luminaw.

 

Show comments