NASUNOD ang plano nina Drew at Gab. Sa probinsiya na nanirahan ang mag-amang Basil at Gab. Ibinenta na nila ang bahay at lupa sa Quezon City at nagpagawa nang malaking bahay sa probinsiya sa katabi mismo ng building na kinaroroonan ng negosyong Uokcoco pesticides. Nabili nila kasi ang lupang katabi ng kinatatayuan ng building. Naging madali para kay Gab na asikasuhin ang negosyo nila ni Drew dahil pagbaba niya ng bahay ay lilipat lang siya sa katabing building. Kumuha na siya ng mga katulong na nag-aasikaso sa mga bumibili ng Uokcoco pesticides. Si Tiyo Iluminado ang supervisor sa pagkuha o pag-aani ng mga lawa-lawa sa mga matured na Uokcoco. Pagkatapos anihin ang mga lawa-lawa ay deretso sa tunawan na ang namamahala ay si Gab. Si Gab ang nakaaalam sa proseso ng pagtunaw sa lawa-lawa ng Uokcoco. Kapag natunaw na ang mga iyon, dadaloy sa kabilang room para sa pagbobotelya. Si Basil na ang namamahala sa pagbobotelya ng Uokcoco pesticides. May background siya roon. Nang magtrabaho siya sa Saudi Arabia --- sa isang dairy company roon ay na-assign siya sa pagsasabotelya ng gatas. Kaya alam niya ang proseso. Naging madali ang pagsasabotelya ng Uokcoco pesticides dahil hindi ito delikado para sa tao. Kahit na may mahipong likido ang mga nagsasabotelya, hindi ito nakalalason. Talagang kakaiba ang Uokcoco pesticides na tanging panlaban sa mga peste ng niyog gaya ng white uok.
Mayroon din namang nakaa-assign sa paglalagay sa mga kahon. Mabilis ang produksiyon ng Uokcoco pesticides. Sa isang araw ay nakakapag-produce sila ng 5,000 bottles ng Uokcoco pesticides. Pero maaaring kulangin pa iyon dahil mataas ang demand lalo ngayong hindi lamang niyog ang pinipeste kundi pati mga prutas.
Samantala, subsob naman si Drew sa pag-aaral ng Law. Talagang desidido siyang tapusin ang abogasiya sa loob ng apat na taon. Minsan isang buwan ay dumadalaw siya sa probinsiya at inaalam ang kalagayan nina Gab at ang kanilang negosyo.
Natutuwa siya at maunlad ang negosyo nila. Mahusay si Gab. Magaling magpatakbo ng negosyo.
Isang umaga, nagbabasa ng diyaryo ang daddy ni Drew. Nang may mabasa sa diyaryo ukol sa Uokcoco pesticides. Nalipol na raw ang peste sa buong bansa. At dahil daw iyon sa Uokcoco pesticides. Pararangalan daw ng Malacanang ang inventor ng Uokcoco. Malaki raw ang naitulong sa coconut industry.
“Sikat ka na Drew. Bibigyan ka ng parangal!’’
“Totoo ba yan Daddy?’’
(Itutuloy)