ISANG mag-asawa sa California ang animo’y tumama sa lotto matapos matagpuan ang mga kinakalawang na lata sa kanilang sariling bakuran na may laman na mga gintong barya na nagkakahalaga ng $10 milyon (mahigit P440 milyon).
Nadiskubre ng mag-asawa ang mga gintong barya habang naglakad-lakad sa kanilang malawak na bakuran kasama ang kanilang aso. Sa paglalakad, napansin nila ang isang kinakalawang na lata na bahagyang natatabunan ng lupa. Naintriga sila kaya hinukay ito at binitbit pabalik ng kanilang bahay.
Inakala nilang pintura lamang ang laman ng napakabigat na lata kaya naman nagulat sila nang nahulog ang ilang pirasong gintong barya mula sa loob.
Nang tingnan nila ang laman ng lata ay natagpuan nila ang napakaraming baryang ginto. Bumalik sila sa pinaghukayan ng lata at marami pa silang natagpuan na may lamang gintong barya. Umabot sa 1,427 na gintong barya ang kanilang natagpuan.
Sumangguni ang mag-asawa sa mga dalubhasa sa mga lumang barya at saka nila napag-alaman na malaking halaga ang mga barya na kanilang natagpuan. Ayon sa mga dalubhasang kanilang kinunsulta, maaaring ninakaw ang mga gintong barya at ibinaon ito sa kanilang bakuran matagal na panahon na ang nakakaraan. Hindi na umano nagawang balikan ng magnanakaw ang mga barya.
Ayaw isapubliko ng mag-asawa ang kanilang tunay na pangalan at lugar ng kanilang tahanan sa takot na dagsain ang kanilang bakuran ng mga nagbabakasakaling mayroon pang natitirang kayamanan na nakabaon doon.