HINDI kasing-popular ng ibang sexually transmitted diseases (STDs) ang Chlamydia. Mas kilala ang gonorrhea (tulo) at syphilis.
Chlamydia trachomatis ang tawag sa bakterya na may dala ng Chlamydia. Tinatamaan nito ang iba-ibang bahagi ng reproductive tract kaya puwedeng makaranas ng impeksyon sa daluyan ng ihi, kuwelyo ng matris (cervix), at Pelvic Inflammatory Disease (PID). Puwedeng magkaroon nito, babae man o lalaki.
Ang mga palatandaan ng Chlamydia ay pagkakaroon ng discharge, kirot sa pakikipagtalik, parang sinisilaban kapag umiihi. Pero mas nakahihigit ang walang sintoma nito. Tatlo sa apat na taong may Chlamydia ay hindi aware na mayroon sila nito sapagkat walang sintoma. At iyon ang nakakatakot.
Tinatayang 75% ng babaing may Chlamydia at 50% ng lalaking may Chlamydia ay walang sintoma. Nagiging madali tuloy ang pagdami ng kaso nito sapagkat naililipat nila ito nang hindi sinasadya sa iba.
Ang maganda sa Chlamydia, nagagamot ito. Hindi kagaya ng Hepatitis B, syphilis, at HIV/AIDS na walang gamot. Antibiotiko ang mabisang gamot laban dito.
Kung hindi magagamot agad, delikado rin ang Chlamydia infection sapagkat puwedeng magdulot ito ng pagkabaog (sa babae at lalaki), pangingirot ng balakang, pagbubuntis sa labas ng matris (ectopic pregnancy), at malaki ang posibilidad na magkaroon ng HIV/AIDS.
Upang makaiwas sa pagkakaroon ng Chlamydia, makipagtalik lamang sa iisang partner. Kung hindi ito posible, gumamit ng condom para may proteksyon. Kahit mukhang malinis ang kapartner, huwag magbakasakali.
Makatutulong kung aalamin ang mga sumusunod sa kapareha:
May sintoma ba ng STD ang kapartner mo? O nagkaroon na ba dati ng STD ang kapartner mo?
Ano ang hanapbuhay ng kapartner mo? May mga klase kasi ng trabaho na mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng STD gaya ng mga driver ng sasakyang ang ruta ay pang-malayuan, military, pulis, mga negosyanteng laging nagbibiyahe sa malalayong lugar, medical representatives, mga nagtatrabaho sa bar, at iba pa.
Noong nakaraang dalawang buwan, nasa malayong destino ba ang asawa/kapartner mo?
Sa tingin mo, may iba kayang sinisipingan ang kapartner mo?
Nagkaroon ka ba ng higit sa isang partner noong nakaraang 3 buwan?
Gumagamit ka ba ng condom kung hindi ka pamilyar sa katalik mo?
Ingatan ang sarili laban sa mga nakahahawang sakit na dulot ng ’di maingat na pakikipagtalik.