ANG hiwang malalim na bara-barang tinahi, maghilom man at maging pilat mananatiling sariwa ang loob. Kapag diniinan may tatagos pa rin kirot.
“Matagal na kaming hiwalay… nanggugulo lang talaga siya,” ani Lan.
Si Orlando ‘Lan’ Pascual, 28 anyos ay 8 buwan ng kasal kay Larraine ‘Rain’ Day Pascual, 27 taong gulang. Pareho silang Jail Officer sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), magkaiba lang ng distrito. Licensed Criminologist si Lan habang Registered Nurse naman si Rain. Sa Jail National Training Institute, Batch 12—Class 187 sila nagkakilala. Naging magkaibigan sila. Sa sobrang pagiging malapit nila binigyang kulay daw ito ng iba lalo na umano ni Jennel Rose Tambong, 24 anyos. Si Jennel ay dating naging karelasyon ni Lan sa loob daw ng pitong taon. Nagkaroon sila ng isang anak at nagsama rin. Bago matapos ang taong 2011, nagkalabuan sila ni Jennel at naghiwalay. Kay Jennel napunta ang bata.
“Wala na kami bago pa ako pumasok sa training pero nun pa lang naghahabol na siya. Gusto niya akong bumalik,” ayon kay Lan. Nakarating daw kay Jennel na may relasyon umano itong si Lan at Rain kaya’t sumugod daw ito sa kanila at tinakot sila na papalabasin sa kampo. Dahil sa mga pangyayaring ito mas naging malapit sina Lan at Rain hanggang nauwi na nga ang dating hinala lang sa totohanang relasyon nung Mayo 2013. Dito daw mas nagngitngit itong si Jennel. Nagsimula itong magreklamo sa Barangay San Juan, Taytay, Rizal dahil sa umano’y pananakit, pagmumura at pagbabanta ng dating kinakasama.
PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag, sumbong ni Jennel: Nung minsan daw silang mag-usap sa ‘covered courts’ ng San Lorenzo Ruiz… sa bakanteng lote—madamong parte tungkol sa umano’y babae nito nagalit na lang daw itong si Lan. “Sinisigawan niya ako at pinagmumura, sinasabunutan at sinusuntok. Sinasakal, ‘di pa siya nakuntento ako po ay pinaghuhubaran niya pati ang short… pinahihiga niya ako… kapag ako po ay nakakatayo ako po ay tinutulak niya po sa basurahan at pinagtatadyakan. Sinasabi niya na lang po sa akin na napapraning na daw po siya at kung ‘di ko na po kaya ako po ay humingi ng tulong,”—laman ng Sumbong. Nung may aawat na, sinabi daw nito ‘wag silang pakialaman dahil BJMP daw siya. Sa araw-araw nilang pagsasama pinagmumukha raw siyang tanga, bobo, hangal at minumura ni Lan. Nauuwi daw sa sakitan ang kanilang pag-uusap. Nung minsang nakahiga siya umupo na lang sa tiyan niya ang mister at pinagsasampal siya at pinagsusuntok siya.
“…nasuntok niya po ako sa ilong, nagulat na lang po ako na may dugo na sa kama namin at sa mukha ko ng sinabi ko magpapa-medical examine ako pinunasan niya po ang mukha ko,” --- karagdagan sumbong ni Jennel.
Lahat daw ito ginawa ni Lan ng katabi umano ang anak nila. Sinasabi pa daw nito na magsasama sila ng babae at kanyang anak habambuhay. Pinatawag si Jennel at Lan sa Barangay upang pagharapin. Nagkaroon daw sila ng kasunduan kung saan magsusutento itong si Lan ng P5,000 kada buwan. Papayagan naman ni Jennel si Lan na bumisita sa anak ano mang oras. Habang titigil na sa pagpapalitan ng masasamang salita ang magkabilang panig. Naging maayos na daw ang lahat hanggang sa magpakasal na nga sina Lan at Rain nung ika-22 ng Nobyembre 2013 sa Huwes sa Caloocan City. Nagsimula daw ulit itong manggulo. Nagsalita ng bastos sa kanyang Facebook (FB). Base sa kopya ng umano’y ilan sa mensahe nitong si Jennel kay Lan nung ika-23 ng Nobyembre: “Pnlabas mu pa ako kabit g@g* ka!!! At anak mu pinalabas mung anak sa labas!!! B*lls**t ka!!!!
…Tsaka wag mu dndsplay dito jowa mu pngttawanan lang ng tropa eh. Hilig mu na daw ang manga!!! At Maja!! Mahaba ang baba…!!!--ilan umano sa mga mensahe nito sa FB. Tinatago daw nitong si Jennel ang kanilang anak at hindi pinakita kay Lan dahilan para magpunta siya ulit sa Brgy. Hiniling niyang mahiram ang bata. Ilang buwan daw na ganito ang sitwasyon kaya’t kumunsulta na rin siya sa Public Attorney’s Office (PAO), Taytay para sa kustodiya ng anak.
“Nung April nagalit siya dahil 4,500 lang ang binigay ni Lan. Paunang abot pa lang naman iyon pero ‘di na niya pinakita anak nila,” ani Rain. Dahil sa ‘di pagkakasundo nila Lan at Jennel nakarating na sa BJMP, National Head Quarters ang kanyang kaso. Pinagreport si Lan sa Legal Service Office nung ika-17 ng Marso 2014, para pag-usapan ang sustento ng bata. Nagkaroon sila ng ‘Settlement Agreement’ nung May 8, 2014 kung saan nakasaad na magbibigay si Lan ng P4,500 kada buwan at tataas ito sa hP7,000 sa ika-30 ng Nobyembre 201 ‘pag bumalik na sa dati ang sahod niya at wala ng kaltas dahil sa utang. Ito ay awtomatikong ibabawas sa kanyang sahod. Hunyo 10, 2014, hiniram ni Lan ang anak at pinasyal sa Megamall. Hindi alam ni Rain na magkasama si Lan at bata. Sumunod siya sa mall. “Ayaw kasi niyang makita ko ang bata. Nag-upload ako ng photo collage sa FB. Picture namin ni Lan na nagkasama at silang mag-ama nagalit siya…nag-status na naman siya ng bastos patungkol sa’kin” ayon kay Rain. Sa ngayong anim na buwan ng buntis si Rain. Sa laki ng binibigay ni Lan kay Jennel, P2,000 na lang ang natitira sa sahod nito. Si Rain na ang sagot sa lahat. “Manganganak na ako, matitigil ako sandali sa trabaho… gusto ko rin naman maproteksyonan ang anak ko, hindi mabalewala na lang,” ani Rain. Kahilingan ni Rain, maghati muna sila sa P4,500 na sustentong binibigay ni Lan para mapaghandaan man lang niya ang kanyang panganganak.
Ito ang dahilan ng pagpunta nila sa amin. Itinampok namin ang mag-asawa sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, dahil nagbibigay naman ng sustento itong si Lan, hindi siya maaring makasuhan ng R.A 9262 o Violence Against Women and Children. Maaring maghain ng Petition for Support laban sa kanya. Binabase ang halagang dapat ibigay sa kakayahan ng lalake at ng kanyang sinasahod buwan-buwan. Pagdating sa umano’y pagtatago sa bata, hindi dahil below 7 years old ito at sa batas dapat lang na sa kustodiya ito ng ina, ‘di pa rin tinatanggalan ng ‘visitation rights’ ang ama na makita ang kanyang anak. Para lubusang tulungan sina Lan, pinapunta namin sila kay Prosec. Romeo Galvez ng Department of Justice (DOJ). (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. Magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. Sundan kami sa ‘Official Page’ namin sa facebook ang www.facebook.com/tonycalvento at ilagay ang inyong problema.