PATOK ang kakanin sa mga Pinoy. Ordinaryong araw man o may okasyon, mabenta ang pagkaing ito.
Subalit, nakakasiguro ba kayo na malinis at ligtas ang inyong binibili at kinakain?
Taong 2012, lumapit ang isang empleyado ng Caloocan City Hall sa BITAG. Isinusumbong ni “Sarah” ang umano’y kadugyutan ng isang pagawaan ng “masarap” na kakanin sa kanilang lungsod.
Ito ‘yung mga kakanin na inaangkat ng mga nagbebenta sa kantina ng mga pampublikong paaraalan, ilang mga pampribado at pampublikong tanggapan at yung mga inilalako sa mga palengke at sa gilid-gilid ng lansangan sa kalakhang Maynila.
Para kumpirmahin ang mga kabulukang ito, agad pumoste ng mga undercover ang BITAG sa lugar.
Kuha sa bidyo ang nanlilimahid na pagawaan ng kakanin. Ang mga trahador abala sa kanilang paggawa, pawang mga nakahubad at walang pakialam kesahodang matuluan ng pawis ang kanilang mga niluluto.
Maging ang alagang aso, labas-masok rin sa kusina at ang mga lalagyan ng pagkain, hinuhugasan mismo sa tabi ng inidoro.
Ayon sa isang food technologist, maaaring magkasakit ang mga makakakain ng mga kakanin na ito dahil sa kontaminasyon ng mga dumi ng hayop at tao sa paligid.
Nabatid na ang dugyot na pagawaan ng kakanin ay pag-aari ng isang aktibong kagawad sa lungsod.
Panooring muli sa bitagtheoriginal.com mamayang alas-6:00 ng gabi ang advance screening ng “Kadiring Kakanin” sa Caloocan City.