SI Ida ang kunehong may pinakamakapal na balahibo sa buong mundo. Isang Angora rabbit (uri ng kuneho) na may mga makakapal na balahibo. Sa sobrang kapal ng balahibo ni Ida, umabot na ito ng 10 pulgada kaya naman nagmukha na itong dambuhalang bola ng bulak. Malambot at makakapal ang mga balahibo ng mga Angora rabbit at katulad ng balahibo ng tupa, ginugupit din ito noong unang panahon upang gawing tela.
Si Ida ay isa sa mga alagang rabbit ni Betty Hsu, retiradong propesor sa San Jose State University sa California. Simula nang sumikat ang kanyang alagang kuneho dahil sa kakaibang itsura, iginala na niya ito sa iba’t ibang bayan sa Amerika. Kaya naman parang sasali lagi si Ida sa isang beauty pageant dahil inaayusan sa tuwing ipaparada sa publiko. Inaalagaan ang makakapal na balahibo na ipinapa-blow dry pa upang manatiling malambot na parang bulak.
Upang hindi lubos na matabunan ng sariling balahibo, ginugupitan si Ida buwan-buwan ng among si Betty. Ang mga nagupit na balahibo ay ginagawang tela ni Betty na ginagamit sa paggawa ng mga damit na kanyang ibinebenta.