“SIYANGA pala, Gab, pagka-graduate mo, anong balak mo?’’ tanong ni Sir Basil sa anak.
“Magko-concentrate na ako sa negosyo namin ni Drew, Daddy. May kaugnayan din naman ang tinapos kong Sociology sa natuklasang pagkakakitaan ni Drew. Mas mapapalago pa namin at nakakatulong pa sa mga mahihirap na magsasaka. Di po ba kaya ako madalas sa probinsiya noon ay dahil nag-iinterbyu ako ng mga magsasaka. Inaalam ko kung ano ang kanilang pamumuhay at kung paano sila nakakapag-adjust sa mataas na presyo ng mga fertilizer, insecticides at ganoon din sa mataas na presyo ng binhi. May nainterbyu nga akong farmer na wala halos kinita dahil napunta lang sa mahal na fertilizer at insecticides. Mura lang ang presyo ng palay at niyog. Binarat lang sila…’’
“Aba tamang-tama pala ang tinapos mo, Gab. Akala ko noon, magiging NPA ka dahil madalas kang nag-iinterbyu ng mga farmers, fishermen, workers at iba pang anak-pawis. Tapos madalas kang sumama sa rally sa Mendiola at Liwasang Bonifacio.’’
“Nakikisimpatya lang po ako sa mga maliliit na manggagawa, Daddy. Hindi naman ibig sabihin ay NPA na ako.’’
Nakisali si Drew. “Sa rally nga po sa Mendiola ko nakita si Gab. Akala ko po ay talagang militante siya. Kasi’y nasa gitna siya ng Chino Roces Bridge habang may nagtatalumpati at napapaligiran ng mga pulang watawat.’’
“Talaga? Kasi’y Gabriela ang ipinangalan ko kaya siguro matapang at malakas ang loob.’’
Nagtawa si Gab. “Hindi naman Daddy. Nagkataon lang ‘yun. Basta malapit lang ako sa mga maliliit na manggagawa.’’
Napatango na lang bilang pagsang-ayon si Sir Basil.
‘‘E ikaw mahal kong manugang, tuloy din ba ang pag-aaral mo ng abogasya ngayong graduate ka na ng Poli Sci?’’
“Opo, Sir Basil. Tuloy po ang pag-aaral ko ng Law. Ngayong may negosyo na kami ni Gab, kailangang alam namin ang mga legality.’’
“Tama ka Drew! Kung ganoon, magkakamanugang pala ako ng attorney.’’
“Mga apat na taon pa po at matutupad iyon, Sir Basil.’’
“Daddy na nga ang itawag mo sa akin dahil sigurado na naman kayo ni Gab.’’
“Sige po, Daddy.’’
Nagsalita si Gab. ‘‘Kaya huwag kang loloko-loko Drew at magagalit sa iyo si Uok. Kilala mo naman si Uok di ba?’’
Nagtawanan sila.
HANGGANG sa dumating ang paghaharap ni Basil alyas Uok at ni Tiyo Iluminado. Naging masaya ang kanilang pagkikita. Wala na ang galit ni Iluminado kay Uok.
(Itutuloy)