S INABI ni Gab at Drew kay Basil alyas ‘Uok’ ang mensahe ni Tiyo Iluminado.
“Daddy, pinapupunta ka sa probinsiya ni Tiyo Iluminado. Gusto ka raw niyang makausap.’’
“Aba, yan ang matagal ko nang hinihintay. Noon pa gusto ko nang mawala ang mga samaan ng loob. Ayaw ko na nang may kaaway. Matanda na rin naman ako at ilang panahon na ang ilalagi sa mundo. Gusto kong makipagkaibigan kay Iluminado.’’
“Kailan mo po gustong magtungo sa probinsiya, Sir Basil?’’
“Gusto ko sana sa birthday ko.’’
‘‘Kailan po ang birthday mo?’’
“Sa April pa.’’
‘‘Malapit na. Tamang-tama dahil summer. Pareho na kaming tapos ni Gab. Di ba Gab?’’
‘‘Oo. Ga-graduate na tayo sa April.’’
‘‘Tamang-tama na doon natin iselebreyt ang pagtatapos ninyo at pati birthday ko.’’
‘‘Opo Daddy. Puwede po tayong magpa-cater at sa malaking building natin gawin ang salusalo.’’
“Oo nga po Sir Basil. Malaki po ang building na naitayo sa lupa ni Gab. Sa roof deck po ay puwedeng mag-party. Hanggang fourth floor po ang building.’’
“Tamang-tama pala. Sige sabihin mo kay Iluminado na darating ako at magiging mabuti kaming magkaibigan.’’
“Sasabihin ko po. Matutuwa po yun.’’
“Puwede rin bang isama ang daddy mo Drew. Gusto ko ring makilala at maging friend ang dad mo.’’
“Opo. Isasama ko po.’’
“Sa wakas, tapos na rin ang problema.’’
“Dahil po sa Uokcoco kaya marahil lumambot ang damdamin ni Tiyo Iluminado. Kasi po, malaki ang iniunlad ng kanilang buhay dahil sa Uokcoco.’’
“Ako rin naman ay nakikinabang sa Uokcoco. Aba mula nang maging kasama mo si Gab sa pagpaparami ng Uokcoco, gumanda ang aming buhay. Ang dami na yatang ipon ni Gab.’’
“Simula pa lang po ‘yan. Marami pa pong biyaya, Sir Basil.’’
‘‘Ikaw ang may gawa nito, Drew.’’
Napangiti lang si Drew. Hindi siya kundi ang Diyos ang may kaloob niyon. Siya lang ang tumuklas.
(Itutuloy)