Limang segundo

ISANG matanda nang paniniwala na ligtas pang kainin ang pagkaing nahulog sa sahig kung madadampot ito sa loob ng limang segundo. Hindi malaman kung saan nagmula ang ganitong sabi-sabi na kumakalat hindi lang sa Pilipinas kundi pati na rin sa iba’t ibang bansa.

Pero hindi pa ba talaga kontaminado ng anumang mikrobyo sa loob ng limang segundo ang halimbawa ang tinapay, hotdog, chocolate, pizza pie, kendi, kanin, at iba pang pagkain na nalalaglag sa sahig o lupa o semento? Puwede pa ba siyang isubo at hindi mananakit ang iyong tiyan o magdudulot ng ibang peligro sa iyong kalusugan? Basta damputin lang ito agad bago matapos ang limang segudo simula nang ito ay malaglag?

Marami nang naglitawang mga argumento sa paniniwalang ito na tinutukan din ng pag-aaral ng mga scientist at ibang dalubhasa. Isa sa pinakabago ang isang pahayag nitong nakaraang linggo ng mga eksperto ng Loyola University Health System sa Amerika.

Ayon kay Dr. Jorge Parada, medical director ng Infection Prevention and Control Program ng Loyola University Health System sa Amerika, kontaminado na agad ng anumang dumi at bacteria ang anumang bagay sa oras na mahulog sa sahig at hindi na ito mareremedyuhan sa anumang paglilinis. Mungkahi nga niya, ang paniniwalang limang segundong patakarang ito ay dapat palitan ng “kapag merong duda, itapon.”

Kapag anya hinugasan ang isang hotdog na  nahulog sa sahig, nababawasan lang ang dumikit na mga mikrobyo rito. Meron pa ring naiiwan ditong mga peligrosong bacteria.

Nauna nang nagsagawa ng pag-aaral sa naturang paniniwala ang isang high school student na si Jillian Clarke noong kanyang internship sa University of Illinois noong 2003. Pinahiran niya ng E-coli bacteria ang ilang tiles sa semento at naghulog dito ng biskuwit. Natuklasan niya na agad na kumapit dito ang bacteria sa loob ng limang segundo. Pinatunayan din niya na mabilis agad na nakokontaminahan ng mikrobyo ang iba’t ibang pagkain na nahuhulog sa lapag. Dahil sa pag-aaral niyang ito, nakatanggap siya ng 2004 Ig Nobel Prize in public health. Sa ibang pag-aaral, lumitaw na kahit wala pang limang segundo ay makakapitan na agad ng bacteria ang isang tinapay o bologna halimbawa na nalaglag sa sahig. Dumarami lalo ang mikrobyo kapag tumagal pa sa sahig ang pagkain nang isang minuto. Wala rin umanong kaibahan  sa dami ng kumakapit na bacteria sa pagkain kahit dalawang segundo o anim na segundo lang itong tumagal sa sahig pagkaraang malaglag.

Show comments