Briton, tumakbo para sa charity habang pasan ang Ref
SI Tony Phoenix-Morrison, 49, taga U.K. ay mahilig tumakbo para makalikom ng pera para sa mga organisasyong nagkakawanggawa. Ngunit sa kabila ng kanyang pagtakbo, napansin niyang hindi siya masyadong nakakakuha ng atensyon at suporta.
Dahil nagtatrabaho sa marketing, naisip ni Tony na gumimik para mapansin ang ginagawang pagtakbo sa charity. Ang ginawa niya, tumakbo siya habang may pasan na refrigerator.
Hindi nagkamali sa gimik si Tony dahil mabilis kumalat ang balita ng kanyang pagtakbo nang una niyang gawin ito noong 2011. Lampas 21 kilometro ang kanyang tinakbo nang taong iyon sa loob ng tatlong oras habang may ref na pasan. Hindi naging madali ang kanyang pagtakbo dahil may mga pagkakataon na parang bibigay na ang kanyang mga binti. Mabuti na lamang at napagtiyagaan niyang tapusin ang karera.
Noong 2012, inulit niya ang kanyang pagtakbo at nagtagumpay siyang makalikom ng pera para sa charity. Bumuhos ang mga donasyon.
Subalit iyon na huling pagkakataon ni Tony na tumakbo habang may pasan na ref. Na-sunstroke siya dahil sa sobrang init nang minsang tumakbo. Binalaan siya ng kanyang doktor sa ginagawa. Maari kasing bumigay ang kanyang mga binti at paa sa bigat ng kanyang dala.
Ayaw naman ni Tony na siya ang magkasakit at mabigyan ng mga donasyon kaya sinunod niya.
- Latest