HDL: Ang good cholesterol

KAPAG nagpapalaboratoryo tayo, napapansin natin na bukod sa “total cholesterol” ay may level din ng HDL at LDL determination na kasama sa lipid profile. Ma­dalas ay hindi malinaw sa atin kung ano ang kahalagahan nito sa atin. Ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng HDL at LDL?

Tumutukoy ang HDL (High Density Lipoprotein) sa good cholesterol. Kung makikitang mas mataas ang value nito sa lab test, mas maganda. Sa kabilang banda, ang LDL (Low Density Lipoprotein) ay tumutukoy sa bad cholesterol. Mas gusto nating makitang mababa ang level nito sa ating dugo. Ang magandang picture ng lipid profile ay mababang total cholesterol, mababang triglycerides (isang uri ng fat na kaibang lubos sa cholesterol), mababang LDL level, at mataas na HDL level.

Paano malalaman kung ang level ng iyong total cholesterol, HDL, at LDL sa dugo ay mataas, mababa, o nasa normal? Sa bawat laboratory result ay may mapapansing value na naka-parenthesis opposite the lab test na ginawa. Ito ang sinasabing “normal values” ng mga result.  All you have to do is look at the number at malalaman mo na kung mataas o nasa normal ang iyong value.

Maiging mag-focus tayo sa good cholesterol, ang HDL cholesterol. Ang HDL cholesterol ay nagtataglay ng pinaka-kaunting amount ng cholesterol. Tinatawag itong “good cholesterol” sapagkat may kakayahan itong tanggalin ang cholesterol mula sa cells at isauli ito sa atay (kung saan ito nagmula). Mula sa atay, mailalabas ang cholesterol sa katawan sa pamamagitan ng bile acids na inila­labas tungo sa small intestine.  

Ibig sabihin, kung mataas ang HDL chole sa dugo, mas ma­raming amount ng cholesterol ang tinatanggal sa loob ng ating katawan. Kung mababa ang HDL, nananatili lamang ang cholesterol sa loob ng katawan. 

Nagtataglay din ang HDL ng ilang components na nakapagpapabawas ng blood clotting at pagkitid ng ugat. Ibig sabihin, ang taong mataas ang HDL ay mas malayo ang posibilidad na magkaroon ng blood clots sa kanilang arteryang ugat. Malayo rin ang tsansang kumitid ang loob ng daluyang ugat dahil sa spasm na puwedeng makaapekto sa sirkulasyon.

Habang tumataas ang level ng ating HDL cholesterol sa dugo, lalong nababawasan ang ating panganib na magkaroon ng sakit sa puso.

Show comments