SA lugar sa Gitnang-Silangan kung saan nagtataasan ang mga gusali at moderno na ang pamumuhay… may ilang amo pa ring ang trato sa kanilang mga kasambahay mga ‘aliping namamahay’ na basta mo na lang pwedeng saktan.
“Isang taon na nga siyang ‘di pinasahod… nagagawa pa niyang batukan, sampalin at gutumin ang asawa ko,” wika ni ‘Rey’. Mula sa pamamasada ng dyip, byaheng Binangonan-Crossing maagang pumarada si Reynaldo “Rey” Dominguez, 51 anyos at napasugod siya sa aming tanggapan matapos makatanggap ng nakakaalarmang tawag sa kanyang cellphone. “Yung asawa mo tulungan mo! Ang payat-payat na, hindi pinapakain…” sabi ng nakausap ni Rey gamit ang ‘di rehistradong numero.
Kasal si Rey subalit hiwalay sa asawa nitong si Judith Dominguez, kasalukuyang nasa Albay, Bicol. “Gusto niya sa probinsya tumira, gusto ko naman makipagsapalaran sa Maynila kaya kami nagkahiwalay,” ayon kay Rey. Hindi man naging maganda ang pagsasama ni Rey at Judith nanatili pa rin umano silang magkaibigan. Kay Rey napunta ang dalawa nilang anak.
Pagbibyahe ng dyip ang pinagkaabalahan ni Rey at pinambuhay sa mga anak nito. Taong 2007, ng makilala niya si Analee Allada o “Bing”, 45 anyos, tubong Ilo-Ilo. “Madalas niyang parahin ang dyip ko sa factory ng Febisco. Sa harapan, sa tabi ko siya laging umuupo. Dun nagsimula lahat,” kwento ni Rey.
Sa pagkukwentuhan nila, nalaman ni Rey na dating kasambahay si Bing at nang matigil nagnegosyo na siya ng biskwit. Nagkapalagayan ng loob itong drayber at si Bing. Hindi nagtagal naging sila at agad na nagsama. “Alam niyang may asawa at mga anak ako,” ayon kay Rey. Umupa sila sa Angono, Rizal. Maayos ang naging pagsasama nila. Sa kanilang ipon nakakuha sila ng hulugang dyip. Taong 2012, naisipan na lang ni Bing na magpunta sa ibang bansa. Hinikayat si Bing ng isang ahente na si “Luz”. Pamangkin umano ng president ng Sky Resources Exchange Corp. “Ang kapatid kong si Melanie ang nagpakilala kay Luz sa asawa ko,” kwento ni Rey.
Ang ahensyang Sky Resources din daw ang tumulong kay Melanie na makapagtrabaho bilang Domestic Helper (DH) sa Kuwait. Halagang 1,000 Dirham ang sahod dito kaya’t nahikayat si Bing na subukang umalis ng bansa. “Ayoko sana siyang payagan pero mapilit talaga siya,” sabi ni Rey. Ika-13 ng Enero 2013, umalis ng bansa si Bing papuntang Dubai. Dalawang taon ang kontrata niya dito bilang DH.
Base sa kopya ng Comprehensive Pre-Departure Education Program (CPDEP) HSW’s, Certificate of Attendance mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA): ang destinasyon nitong Pinay ay sa United Arab Emirates (UAE) at ang kanyang Foreign Employer ay si Ali Khadem Saeed Mohammed Alghaithi. Hawak siya ng Foreign Recruitment Agency na White Sea Pearls Manpower. Mayo 2013, pa daw ng mabigyan ng amo itong si Bing. Mag-asawang employer na may dalawang anak. Maayos naman daw nung una ang pagtrato sa kanya hanggang maghiwalay umano ang mag-asawa. Napunta si Bing sa amo niyang babae. Malupit umano ito. Mula daw buwan ng Hunyo nung nakaraang taon, hindi na siya sinwelduhan.
“Nung minsan daw hingin ng asawa ko sweldo niya, malakas na batok ang binigay sa kanya,” kwento ni Rey. Ginugutom din umano si Bing ng amo at nakakaranas ng panghihiya tulad ng pananampal, ayon kay Rey. Nang makarating kay Rey ang mga sumbong na ito agad siyang pumunta sa Sky Resources mula buwan ng Setyembre 2013. Nangako daw ang ahensya na pupuntahan si Bing subalit natapos na ang taong 2013, wala pa rin daw nangyari. Pebrero 2014, muling pinuntahan ni Rey ang ahensya. Sinabi umano ni Luz na dinalaw na ng ahensya niya sa Dubai itong si Bing. “Kung gusto raw talagang umuwi ni Bing, sagutin ko raw ang pamasahe niya pabalik ng Pinas. Okay sana pero paano na ang isang taong sahod na hindi naibigay sa kanya?” sabi ni Rey. Hanggang sa kasalukuyan wala pa rin daw aksyong ginagawa ang ahensya para matulungan itong si Bing dahilan para magpunta siya sa aming tanggapan. “Minsan naisip ng tumakas ng asawa ko… makaalis lang,” sabi ni Rey. Nitong huli, ika-23 ng Hunyo 2014, 11:00 pasado ng gabi nagising na lang sa isang tawag si Rey at sinasabing tulungan niya ang asawa sa Dubai dahil sobrang hirap na umano ng kundisyon nito. “Walang makain, ‘di pinapasahod at payat na daw si Bing…” ani Rey.
Gustong malaman ni Rey kung paano matutulungan si Bing na mapabalik ng bansa kaya’t nagsadya siya sa aming tanggapan. Itinampok namin si Rey sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ(Lunes-Biyernes mula 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).
Bilang agarang aksyon kinapanayam namin sa radyo si Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) at pinarating ang problema ng ating kababayan.Sinabi ni Usec. na kadalasan nagkakaproblema talaga ang ating mga kababayang DH sa kanilang amo sa Middle East. Ang solusyong nakikita ni Usec. dito ay isumbong ang amo nitong si Bing sa Labor ng Dubai. Meron namang Human Rights Commission dun kung saan pwede nilang ihabla ang amo kung sa palagay nila’y lumabag sa kanilang karapatang pantao. Hiniling ni Usec. na i-email sa kanya ang lahat ng detalye tungkol sa Pinay para siya’y matulungan.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, maraming lugar sa Gitnang-Silangan na dahil binayaran nila ang pamasahe, sinuswelduhan buwan-buwan ay may lisensya na silang labagin ang karapatang pantao ng ating mga kababayan.
Itinataya nila ang kanilang karangalan, pagkatao at kung minsan ang kanilang buhay makipagsapalaran lamang sa ngalan ng kanilang pamilya kaya’t marapat lang na magkaroon ng patas na kasunduan (Bilateral Agreement) sa pagitan ng ating bansa at ng mga bansa sa Gitnang-Silangan. Dapat pagtibayain ito ng ating gobyerno kung nais nilang protektahan ang ating mga kapatid na andun nagtatrabaho sa malayong lugar. Kapag hindi naisagawa ito, asahan mong hindi titigil ang ganitong uri ng mga problemang nangyayari sa ating mga ‘Bagong Bayani’ bagkus mas lalo pang dadami dahil nakakiling sa kanila ang kontrata. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038.