Na-cremate noong nakalipas na Miyerkules ang mga labi ng sophomore student ng De La Salle-College of Saint Benilde na si Guillo Cesar Servando na nasawi sa naganap na hazing ng umano’y Tau Gamma Phi fraternity noong nakalipas na Sabado.
Kasabay naman nito, kahit papaano ay nagkakaroon ng linaw sa kaso dahil na rin sa pagsulpot at pagnanais pang paglutang ilang testigo o mga may kinalaman sa kaso.
Dahil sa mga pahayag, nagkakaroon unti-unti ng direksyon ang imbestigasyon.
Parallel investigation ngayon ang isinasagawa ng pulisya at ng NBI para makamit ang hustisya sa pagpanaw ni Guillo.
Natukoy na rin na sa isang malaking bahay sa Brgy. Palanan sa Makati City isinagawa ang initiation sa mga biktima. Pinangalanan na rin ang ilan sa mga suspects na sangkot sa hazing.
Hindi pa man tuluyang nalulutas ang pagkamatay ni Guillo, isa na namang insidente ng hazing ang naganap sa UP Diliman sa lungsod Quezon.
Hinahalukay ito ngayon ng pulisya, na base sa ulat, ginamot ang biktima sa isang ospital sa lungsod pero nakalabas na rin umano.
Si Guillo noon pa man ay gusto nang mag-back-out sa fraternity pero tinakot umano na papatayin.
Ganito na yata ngayon ang pag-anib sa fraternity, sapilitan na ba?
Takutan na ba sa recruitment pa lang?
Kadalasan paramihan sa bilang ng miyembro na lang ang nais, kaya brasuhan at takutan sa recruitment pa lang.
Ayon sa maraming magulang na dapat daw hindi ang hazing ang ipagbawal, kundi ang fraternity na mismo. Dahil wala naman umanong dulot itong maganda kundi madalas pa nga ang dala eh disgrasya.