EDITORYAL - FOI bill: Let It Go! Let It Go!

K UNG noon pa sana ipinasa ang Freedom of Information (FOI) bill, hindi maghahatid ng problema ang mga hayop na PDAF at DAP. Bubusisiin ang mga hayop na ito at hindi basta-basta maipamudmod kung kani-kanino ang pondo ng gobyerno. Pero dahil walang batas, nangyari na ang kinatatakutang paglilipat at paggamit ng savings o pondo kahit walang sertipikasyon ng treasury. Ayaw kasing pawalan ang FOI bill. Dahil ba mabu­busisi ang mga buktot na gawain sa gobyerno?

Nakasaad sa Sec. 28 Article II at Sec. 7 Article III ng 1987 Constitution na may karapatan ang mamamayan na malaman ang mga transaksiyong ginagawa ng pamahalaan. Karapatang mabatid ang lahat ng polisiya, proyekto at mga programa ng gobyerno kung saan sangkot ang pera ng taum­bayan. Bilang taxpayers, dapat mabatid at malinawan ng mamamayan kung saan napupunta ang kanilang ibinabayad.

Kung magiging batas ang FOI Bill, maaari nang magkaroon ng access ang mamamayan sa lahat ng mga programang ginagawa ng public officials. Malalaman na ng mamamayan kung paano ginagastos ng kanilang official ang pondo. Malalaman ng mamamayan kung ano ang mga pinasok na kontrata at mga kasunduan. Maaari na ring ma­laman ng mamamayan kung ano ang ginagawang programa ng public officials para mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo.

Marami ang nananawagan na pakawalan na ang FOI bill upang magkaroon ng panlaban ang mamamayan sa mga hidhid at matatakaw na nagpapasasa sa pondo ng bayan. Huwag nang ibitin-bitin pa sapagkat marami nang taon na ito ay nakabinbin. Mahigit 27 taon nang ipinaglalaban ang pagpapasa ng nasabing panukala. Pakawalan na ito! Let it go!

 

Show comments