Ika-22 ng Mayo 2013...Alas sais ng umaga sa isang condominium sa Mandaluyong. Dinampot ang tatlong kalalakihan ng mga armadong tao. Isang Iranian na may kasamang Pilipina. Dinala sila sa isang kwarto at hindi na muling nakalabas pa sa Bureau of Immigration Ward. Ang lalaki ay si Mohammad Rahamati na dalawang taon nang nandito sa Pilipinas. Ang mga humuli sa kanya ay ang mga miyembro ng Bureau of Immigration. Ikinulong siya sa Bicutan. Makalipas ang ilang linggo sa laki ng pagmamahal ng Pilipina na si Lizney Cato Rahamati, pinakasalan niya ang kanyang boypren sa piitan. Sa isang pagbabalik tanaw, nagkakilala ang dalawa dahil sa isang kaibigan. Sa simula pa lang nagpakita na ng interes ang lalaki sa kanya. Palagi siyang tinetext at tinatawagan nito. Mukha raw suplado at masungit si Mohammad ngunit ang ikinatutuwa niya dito ay ang itsura nito kapag sinusubukang magtagalog.
“Marami-rami na din siyang naikwento sa akin. Nung panahon na umalis sila sa Iran sinamahan niya lang ang pamangkin niya kasi dito mag-aaral,” kwento ni Lizney. Ang kapatid daw nitong bunso ay dalawang taon nang nag-aaral sa Pilipinas. Kasalukuyan silang nakatira sa nirerentahang condominium sa Mandaluyong. Kada buwan nagpapadala ang pamilya ni Mohammad sa isang Iranian na may ari ng money changer.
“Tinanong niya kung ayos lang na magpalit ako ng relihiyon dahil napag-uusapan na rin namin ang pagpunta sa Iran,” pahayag ni Lizney. Pumayag si Lizney na mag Muslim, dahilan niya mahal niya si Mohammad kaya’t kung ano man ang kultura at pinaniniwalaan nito ay tatanggapin niya. Nang dumating ang kaarawan ni Lizney may iniabot na regalo sa kanya si Mohammad.
“Pag bukas ko singsing ang laman. Tinanong niya ako kung payag ba raw akong magpakasal sa kanya,” kwento ni Lizney. Nagsimula na sila agad magplano kung kailan ang petsa ng magiging kasalanan. Nabanggit sa kanya ni Mohammad na bibisita ng Pilipinas ang buong pamilya nito kaya’t napagkasunduan nilang pagdating na ganapin ang kasal. Ipinaalam din sa kanya ni Mohammad na may kailangan lang siyang ayusin dito sa Pilipinas. Mga magulang nito ang magdadala ng pera. Ang pinagkakatiwalaan nilang may-ari ng money changer ay umuwi na ng Iran kaya’t hindi sila mapadalhan.
“Hindi nakapunta ang pamilya niya dito sa Pilipinas kaya hindi natuloy yung kasal namin. Kinasuhan pa siya nung Setyembre 2012 ng Grave Coercion,” salaysay ni Lizney. Kababayan daw ni Mohammad ang naghabla sa kanila. Apat silang orihinal na akusado ngunit tanging siya na lang ang natira. Nagsimula daw ito nang makitira ang isa ring Iranian kina Mohammad. Lumaki ang bayarin nila sa kuryente at gusto nang umalis ng Iranian. Ang ginawa nina Mohammad dahil sa hindi naman sila naniningil ng renta gusto nilang pagbayarin ito kahit yung kuryente lang. “Hindi nila ibinigay yung mga bagahe. May utang pa din kasi itong $2,500,” ayon kay Lizney. Ika-13 ng Mayo 2013 nang ma-dismiss ang kaso.
Hindi dito natapos ang kanilang problema. Hinuli naman sina Mohammad ng BID. Nang dinampot si Mohammad nung Mayo 22, 2013, naghanap siya ng papel para malaman kung legal ang pagkakaaresto sa kanyang boypren. Ayon sa mga ito iniwan daw nila sa gwardiya. Nang puntahan naman ito ni Lizney wala daw dokumento doon.
“Bakit nila iiwan sa gwardiya?” pagtataka ni Lizney. “Hindi ba dapat may order sila bago magdampot ng tao?” Kinahapunan dinala daw na sina Mohammad at ang dalawa pang kasamahan sa Bureau of Immigration Ward. Mula nun doon na namalagi sina Mohammad. Nung ika-2 ng Oktubre 2013 ikinasal sila sa loob ng ward.
“Immam ang nagkasal sa ‘min. Ang naging ayos namin tuwing wala akong pasok dun ako bumibisita sa kanya,” ayon kay Lizney. Nais ni na ipaglaban ang kanyang karapatan bilang asawa ni Mohammad. Upang mapayagan itong manatili dito sa Pilipinas at malinis umano ang pangalan ng kanyang asawa. Giit ni Lizney “Hindi niya alam ang pasikot-sikot dito sa Maynila at hindi niya kabisado ang patakaran ng BID kaya hindi niya naayos ang problema.” Nag-apela daw noon si Lizney ngunit fiancé pa lang siya kaya walang nangyari rito.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Lizney.
BILANG TULONG inirefer namin siya kay Commissioner Sigfried Mison ng Bureau of Immigration and Deportation.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kasal sina Lizney at ang Iranian ngunit ito ay naganap nang ikinulong na ng taga Immigration si Mohammad. Pwedeng isipin na nangyari lang ang seremonya para magkaroon ng dahilan si Mohammad na huwag pabalikin sa sarili niyang bansa (deportation order).
Marriage for convenience na madalas mangyari hindi lamang sa Pilipinas kundi pati sa Amerika. Istrikto ang ating Immigration Laws tungkol dito. Ang problemang nakikita namin dito ay hindi lamang overstaying si Mohammad ngunit nasampahan pa ito ng kababayan ng kasong ‘grave coercion’ na kahit ito’y na-dismiss lumalabas na siya’y ini-report sa BID at nabansagang ‘undesirable alien’. Dahil na-dismiss ang kaso hindi pa walang pag-asa ang lahat. Ang kailangan lamang niyang gawin ay umalis muna ng ating bansa at si Lizney naman bilang legal na asawa ay iapela ang kanyang kaso sa BID para siya’y makabalik at mamuhay sila bilang mag-asawa. Ang ating mga Immigration Laws ay maluwag naman pagdating sa ganitong uri ng pakiusap. Sa ngayon wala silang magagawa kundi sundin kung ano ang nakasaad sa batas. Marahas man ito subalit ito ang batas (the law may be harsh but that is the law). (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.