Hawa

HINDI lamang sakit at mikrobyo ang nakakahawa. Nakahahawa rin ang mga sumusunod:

1. Kaligayahan. Nakakahawa ito lalo na kung naliligiran ka ng mga taong masasaya at positibo ang pananaw. Mahihila ka nila upang maging masaya.

2. Init ng ulo ng kasamahan sa trabaho. Ang stress ng ka­opisina ay maaari mo ring masinghot. Dahil ayon sa mga pag-aaral, simpleng makakita ka lang ng taong stressed o harassed ay tumataas na rin ang iyong stress hormones. Upang maprotektahan ang sarili, kapag may stressed sa paligid huminga nang malalim bago at matapos makipag-usap sa kanya.

3. Inggit. Kung minsan, nais nating makuha ang mga bagay na wala tayo subalit mayroon ang ating mga kakilala. Kahit alam naman nating hindi ito ka­ila­ngan. Isipin mong ang kaligayahan ay hindi natatamo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga bagay na mayroon ang iba — gaano man kaganda ang mga ito.

4. Kati. Sa simpleng pagkakita sa taong nagkakamot, para bang nararamdaman mo rin ang kati nila. Unconsciously ay nakokopya natin ang ugali at pagkilos ng ibang mga tao.

5. Sakit na pawang nasa imahinasyon lang. Madalas pakiramdam natin ay nahahawa tayo sa sakit ng kasama natin, o sa reaksyon nila sa mga bagay na nagaganap sa kanilang paligid. Para bang nakukumbinse tayong umayon din dahil ito ang nakikita natin.

6. Ringworm. Ang ringworm ay fungus. Nakukuha ito sa mga tuwalyang hinihiram. Maaari naman itong mawala kaagad sa pamamagitan ng mga pamahid na anti-fungal.

7. Itch mites. Labhan ka­agad at hugasan ng mainit na tubig ang punda at kubre kama para masigurong mamatay ito. Tumatalon lamang ang mites upang makalipat sa bagong biktima.

8. Kalungkutan. May mga pananaliksik na nagsasabing tumitindi lamang ang kalungkutan ng mga tao dahil sa social media. Imbes na face to face at personal ang connection, digital at impersonal. Kaya kung gusto mong lumigaya, makipagkita sa mga ka­ibigan at hindi lang puro chat.

9. Nakakahawa ang timbang ng kaibigan. Kung sino ang madalas mong kasama at kung gaano siya kalakas kumain, chances are lalakas ka rin kumain at bibigat, tulad niya. Kaya kung gusto mong magbawas, sumabay sa pagkain sa mga taong marunong magdisiplina.

10. Pandidiri. Minsan kahit hindi naman ikaw ang naka­amoy ng mabaho dahil sinabi ng kasama mo, na­bahuan at nandiri ka na rin. Kahit ang totoo ay hindi pa naman rumerehistro talaga sa iyong pang-amoy.

Show comments