Isa na naman ang nagbuwis ng buhay sa walang kapararakang hazing na isinasagawa ng inaniban nitong fraternity.
Nakapanlulumo ang panibago na namang insidente ng karahasan na isinasagawa umano ng ilang miyembro ng Tau Gamma Phi.
Ang pinakahuling nasawing biktima, si Guillo Cesar Servando, ang 18-anyos na sophomopre student ng De La Salle- College of Saint Benilde. Tatlo pa sa kanyang mga kasama ang nasa malubha pa ring kalagayan at yan ay dahil sa tindi nang pambubugbog at pagpapahirap na isinagawa ng mga dapat ay kanilang ka-brod.
Ito ay naganap sa kabila ng ipinatutupad na Republic Act No. 8049 o ang anti- hazing law.
Na sa kabila ng mas matinding mga kaparusahan ay nagpapatuloy pa rin ang ganitong mga karahasan.
Siguro ay dahil sa hanggang sa ngayon ay wala pa ring napapanagot sa mga insidente ng hazing, kung meron man hindi talaga naihatol ang mabibigat na parusang sinasaad sa batas.
Ang ilan, napagod na rin na ituloy ang kaso dahil sa paniwalang hindi makukuha ang tunay na hustisya dito.