‘Block this caller’

MATUTONG tumanaw ng utang na loob. Ito ang palasak nang bukambibig na ipinapayo ng matatanda sa mga bata. Ang tanong ay hanggang saan ang pagbabayad ng utang na loob? Aba, ang sabi ng matatanda ay hanggang sa huling hininga raw. Mmmm, huwag naman, may hangganan dapat.

May isang pangyayari sa aming buhay na kailangan naming mangutang. Pinautang naman kami. Pagkaraan ng ilang linggo, binayaran kaagad namin ang utang. Dumating ang araw na sila naman ang nangutang. Pinautang ko. Pero hindi sila nagbayad hanggang sa ilista ko na lang ang utang nila sa tubig. Di bale, may utang na loob naman kami sa kanila. Minsan, kapatid ko naman ang inutangan. Kagaya ng ginawa sa akin, lista na naman sa tubig ang inutang na pera.

Sa ikalawang pagkakataon, ito ay muling nangutang sa akin. Ang tanga ko naman kung magpapauto ulit ako. Hindi ko siya pinautang. May hangganan din naman ang pagtanaw ng utang na loob. Wala akong kamalay-malay na ipinagkalat ng taong ito na hindi raw ako mautangan. Pinalalabas na ayaw kong tulungan siya sa kanyang kagipitan. Hayun, kumalat sa buong kaharian na madamot ako.

Mga ilang taon ang lumipas, muli na namang nangailangan ng pera ang taong ito at muling kumatok sa aming puso. Hindi sila nangungutang, humihingi ng pinansiyal na tulong. O, sige, kawawa naman, nagbigay kami ng pera. Hindi kami mayaman kaya ang ibig sabihin, ang perang ibinigay namin sa kanila ay binawas sa aming pang-araw-araw na budget sa pagkain. Masarap sana sa pakiramdam kung may marinig kang simpleng salamat mula sa taong tinulungan mo. Kaso wala. One text away lang naman kami. O, sige, erase na lang ang masamang alaalang ‘yun. Sabi nga ni Maya sa teleseryeng Please Be Careful with my Heart, lagi dapat positive, baka ma-block ang blessings. Then, one day, nag-text ang taong ito. Hindi na nanghihingi, this time, nangungutang. Pinindot ko ang number niya para umapir sa screen, sabay pindot sa button na nagsasaad ng BLOCK THIS CALLER. Hindi naman siguro maba-block ang blessings ko, kung iba-block ko ang annoying caller. Hayyy.

 

Show comments