EDITORYAL - Mabigat na parusa sa smugglers

INI-SMUGGLE ang bigas, bawang, asukal, arina at iba pang agricultural products at walang ibang pinapatay dito kundi ang local farmers. Dahil sa hindi makontrol na pagpasok ng mga produkto, nawawalan sila ng kabuhayan na nagdudulot ng paghihikahos. Kaya nararapat lamang na parusahan nang mabigat ang smugglers. Kahalintulad din sila ng mga senador, kongresista, at government officials na nasabit sa pork barrel scam na dapat mabulok sa bilangguan.

Matagal nang panahon na ang local farmers ay inaagawan ng kabuhayan ng mga smuggler. Kung ang mga buwayang mambabatas ay walang kabusugan sa pagkamal ng “pork’’, ang mga smuggler naman ay walang kaluluwa sapagkat ang mga kawawang magsasaka ang kanilang pinapatay.

Dahil sa pagbaha ng imported na bigas sa pamilihan, hindi na nabibili ang local na bigas. Mas mura ang imported na bigas kaya marami ang bumibili. Hindi naman maaaring ibaba ang presyo ng local na bigas sapagkat wala nang kikitain ang mga magsasaka. Ang smuggled na bigas na galing Vietnam, Thailand at China.

Talamak na rin ang smuggling ng bawang. Kamakailan, dalawang containers ng imported na bawang na umaabot sa P21 milyon ang nakumpiska ng Bureau of Customs sa Batangas port. Nanggaling ang mga bawang sa Hong Kong. Ayon sa Customs, susunugin daw ang mga bawang at baka may dalang sakit ang mga ito.

Nakapagtataka na ang pagsunog agad ang inaasikaso ng Customs at hindi ang paghabol o pag-aresto sa smuggler. Sa halip na ang pagpursigihan ay ang pagdurog sa mga nagpupuslit ng agri products, ang pagsira sa produkto ang tinututukan. At gaano naman kaya katiyak na sinisira nila ang nakumpiska? Hindi kaya nire-recycle ang mga ito at humahantong din sa mga palengke sa buong bansa?

Tiyak na may kasabwat sa Customs ang mga smuggler kaya malakas ang kanilang loob na magpuslit sa bansa. Maraming “gutom na buwaya’’ sa Customs katulad din ng mga akusado sa pork barrel scam. Wakasan na ang kanilang kasibaan!

 

Show comments