LAMPAS 40 taon na namuhay sa kagubatan ang mag-amang Ho Van Thanh at Ho Van Lang. Kasagsagan ng giyera sa Vietnam noon. Tumakbo sa kagubatan si Thanh habang karga ang anak na si Lang na noo’y sanggol pa lamang. Umalis sila nang tamaan ng bomba ang kanilang bahay na ikinamatay ng kanyang asawa at dalawang anak.
Wala nang nakakita sa mag-ama mula noon. Noong nakaraang taon, napansin ng dalawang nangangahoy ang isang dambuhalang pugad sa itaas ng isang puno. Inakyat nila ang kakaibang tirahan at natagpuan nila sa loob ang dalawang lalaki.
Matanda na ang isa sa mga lalaki at nanghihina samantalang ang mas nakakabata ay hindi nakakapagsalita maliban sa ilang pangungusap. Bumalik ang dalawang nangangahoy sa bayan at ipinaalam ang kanilang natuklasan sa mga kinauukulan. Nang balikan ang dalawang lalaking naninirahan sa kagubatan ay nakumpirma nga na ang dalawa ay sina Ho Van Thanh at anak Ho Van Lang.
Nasa 80 anyos na si Thanh kaya naman mahina na ito at lagi nang nakaratay sa kanilang pugad. Ang kanyang anak na si Lang naman ay nasa 40 anyos. Napag-alaman na nabuhay ang ama ng apat na dekada sa gubat sa pamamagitan ng pagtatanim ng kamote at mais. Gumawa sila ng sarili nilang mga kagamitan katulad ng mga palakol, itak at kutsilyo.
Napag-alaman din ng mga kinauukulan na may isa pang anak si Thanh maliban kay Lang na naiwan nang siya ay tumakbo papunta sa kagubatan. Ang nawalay na anak ay nakilalang si Ho Van Tri. Si Tri ang kumupkop kina Thanh at Lang mula noon.
Ayon kay Tri, malungkot daw ang dalawa sa pamuÂmuhay sa kabihasnan at gustong bumalik sa kanilang tirahan sa gubat. Gayunman, umaasa si Tri na matutunan din ng kanyang ama at kapatid ang mamuhay ng normal.