SUMUKO na si Sen. Ramon “Bong†Revilla Jr. noong Biyernes sa Sandiganbayan. Kusa na siyang nagtungo sa Sandiganbayan at hindi na hinintay ang warrant of arrest. Nakakulong na siya sa Camp Crame.
Sinampahan ng kasong plunder si Revilla at apat na iba pa kasama ang kanyang chief of staff na si Richard Cambe. Bukod sa plunder, sinampahan din siya ng 16 counts ng graft. Itinanggi ni Revilla ang mga akusasyon, wala raw siyang kasalanan. Hindi raw siya magnanakaw. Mananaig daw sa dakong huli ang katotohanan. Muli niyang sinabi kay President Aquino na asikasuhin ang problema ng bansa at hindi ang pagpapakulong sa mga kalaban sa pulitika.
Bago ang pagsuko ni Revilla, nagkaroon ng vigil ang kanyang supporters sa mansion niya sa Bacoor, Cavite. Wala raw kasalanan ang senador. Hindi raw sila titigil sa pagsuporta kay Revilla.
Ang inaabangan naman ngayon ay ang pag-aresto kina Senators Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada. Si Enrile ay kinasuhan din ng plunder kasama ang apat na iba. Sinampahan din siya ng 11 counts ng graft. Si Jinggoy ay plunder din ang kaso at inakusahan naman ng 11 counts ng graft. Itinatanggi rin nina Enrile at Jinggoy ang mga akusasyon. Sabi ni Jinggoy, malinis ang kanyang konsensiya.
Ang paghantong sa kulungan ni Revilla ay nagpapakita lamang na gumagalaw ang batas sa bansang ito. Kapag nadala na rin sa kulungan ang iba pang ‘‘malalaking isda’’, at maiimpluwensiya, maibabalik na ang tiwala ng mamamayan. Magkakaroon na ng hustisya lalo pa’t ang sangkot dito ay winaldas ng pera ng taumbayan. Bilisan naman ng Sandiganbayan ang paglilitis sa mga akusado.