Uok (189)

GANOON na lamang ang pagtataka ni Tiyo Iluminado nang may duma­ting na dalawang tao --- lalaki at babae. Mukhang maykaya ang dalawa.

“Magandang umaga po, Manong,” sabi ng babae. “Dito po ba nakakabili ng UOKCOCO?”

“Opo. Dito nga po.’’

“Bibili po sana kami, Manong.’’

“E saan po ba ninyo na­­balitaan ang tungkol sa UOKCOCO?”

“Dito po sa diyaryo. Headline po ang tungkol sa UOKCOCO na panlaban sa peste ng niyog,’’ sabi at ipinabasa kay Tiyo Iluminado ang headline. Totoo nga. Nailabas pala agad ang balita. Sabi nga pala sa kanya ni Drew, may kaibigan itong Editor.

“Puwede ba kaming ma­kabili, Manong. Kaila­ngang-kailangan po namin para mapuksa ang peste sa aming niyugan. Malaki na po nalulugi sa amin mula nang manalasa ang mga white uok. Marami na po kaming pinutol na niyog para lamang huwag kumalat ang white uok.’’

“E malaki po ba ang inyong taniman ng niyog?”

“Malaki po. Mga 50 ektarya po. Kami po ang nagsusuplay sa isang pabrika ng mantika sa Calapan. Sa amin din po nanggagaling ang nata de coco.’’

“Ah, mayaman pala kayo, Mam, Sir.’’

“Medyo nakakaangat po, Manong. Kaya sana po pagbilhan mo kami ng UOKCOCO.’’

“Sige po. Walang problema. Sandali lang po at kukuha ako ng mga UOKCOCO.’’

“Magkano po ba Manong ang UOKCOCO?”

“Isang libo po ang isang UOKCOCO?’’

“Mura lang po pala. Dalawang UOKCOCO po ang bibilhin namin. Sapat na po ba ang dalawa o dagdagan pa namin, Manong?”

“Tama na ang dalawang UOKCOCO. Mabilis pong pu­matay ng peste ang mga UOKCOCO.Ma­gugulat kayo sa resulta.’’

“Sige po, Manong.’’

“Sandali lang po at kukuha ako ng UOKCOCO.’’

Makaraan ang ilang sandali ay dala na ni Tiyo Iluminado ang dalawang UOKCOCO na nakalagay sa mga bao ng niyog. Special na lalagyan.

“Eto po ang mga UOKCOCO. Two thousand pesos po ang mga ito.’’

“Salamat Manong. E paano po ang gagawin namin dito?”

“Kunin ninyo sa lalagyan ang mga UOKCOCO at paka­walan sa mga punong niyog na may peste. Ganun lang. Papatayin na nila ang mga peste. Tatlong araw lang, tapos na ang problema n’yo.’’

Nagpaalam na ang dalawa­.

(Itutuloy)

Show comments