Lalaki sa Iran, 60 taon nang hindi naliligo

ISANG 80-taong gulang na lalaki mula sa Iran ang naniniwalang ang pagiging malinis sa katawan ay magbibigay sa kanya ng sakit kaya hindi siya naliligo. Animnapung taon na siyang hindi naliligo.

Ang lalaki ay si Haji na mag-isang namumuhay sa bayan ng Dejgah sa probinsya ng Fars, Iran.

Takot sa tubig si Haji dulot ng kanyang paniniwala na magkakasakit siya kapag siya ay naligo. Kahit sa simpleng pagbanggit lang ng konsepto ng paliligo ay naiinis si Haji.

Kaya naman nag-iba na ang kulay ng balat ni Haji dahil sa pag-iwas niya sa paliligo. Mapagkakamalan siyang rebulto dahil sa kulay ng kanyang balat na hindi na naiiba sa kulay ng lupa o abo.

Kahit sa paggupit ng kanyang buhok ay naiiba si Haji. Sa halip na gunting at suklay ang kan­yang gamitin upang paikliin ang kanyang buhok, sinisilaban niya ito upang mabawasan.

Wala ring bahay si Haji. Sa isang hukay siya namamalagi. Kung minsan naman ay sa isang barungbarong. Ang barungbarong ay ginawa ng kanyang mga kapitbahay na naaawa sa kanya.

Ayon sa mga kapitbahay, naging kakaiba ang pamumuhay ni Haji dahil sa dami ng malulungkot na pangyayari sa kanyang buhay. Kaya naman kahit na kakaiba ang kanyang pag-uugali ay hindi itinataboy si Haji ng kanyang mga kapit­bahay dahil naiintindihan nila ang pinagdaanan nito.

Sa kabila ng lahat ng ito, masayahing tao pa rin si Haji.

 

Show comments