‘Pilat’

MAGANDANG kutis, mukha at postura ang puhunan ng mga modelo kung bakit sila namamayagpag sa industriya.

 Mayroong mga nagsisimula na ng karera sa batang edad palang sa telebisyon, print media at sa internet.

Subalit, papaano kung dahil lamang sa kapabayaan ng pinapasukang paaralan, ang pangarap na pag-aartista at pagmo­modelo ng isang batang babae, naglaho ng parang bula?

Ang insidente, nangyari mismo sa loob ng isang sikat na unibersidad sa Caloocan taong 2012.  

Ito ang inilapit sa BITAG ng ina ni “Angel” na si “Joy.”  Ang kapabayaan umano ng mga namumuno sa eskwelahan na pinapasukan ng kaniyang anak.

Umiiyak na idinetalye ni “Angel” ang pangyayari sa amin. Aksidenteng nabuhusan siya ng kaeskwela ng kumukulong sabaw ng cup noodles sa kantina ng paaralan na nag-iwan sa kaniya ng habambuhay na “pilat.”

Wala man lang tumulong sa kaniya maliban sa janitress na naglilinis sa canteen  ilang minuto matapos siyang mabuhusan.  

Dahil sa tagal ng responde sa mga kinauukulan, nalapnos at dumikit na ang balat ni Angel nang tinanggal ang suot nitong t-shirt.

Modelo noon ng isang sikat na fast food chain sa bansa si Angel. Pero nawalan na ng kum­piyansa at naging mahiyain na dahil sa trauma ng lapnos at “pilat” sa katawan.

Sa kasong ito, sinamahan ng BITAG  si “Joy” sa unibersidad para isangguni ang gagawin nilang hakbang.

Subalit, sa halip na payuhan at magbigay sila ng ayuda, inuutusan pa siya ng prinsipal na gumawa ng sulat para magpaawa sa mga board member ng unibersidad.

Sila na ang naagrabyado, sila na ang biktima, sila pa ngayon ang magmamakaawa.

Tikom ang bibig at ayaw magbigay ng paliwanag ng Legal Department ng unibersidad kay “Joy” at sa BITAG. Itinatanggi rin nila na mayroon silang kasalanan at pananagutan sa nangyari.

Panoorin muli ang “Lapnos” mamayang gabi. Abangan ang advance screening ngayong alas-6:00 sa bitagtheoriginal.com. 

 

Show comments