Sipsip

KINAKAIBIGAN ng manok ang agila dahil ito ang pinaka-bossing sa lahat ng alagang hayop ng amo nilang magsasaka. Kung sisipsip siya sa agila, maaari niya itong gamitin para ipantakot sa mga hayop na nambu-bully sa kanya. Puwede rin niya itong gamitin para makarating sa pinaka-itaas ng puno kahit hindi siya marunong lumipad.

Minsan napansin ni Manok na puno na ng ipot ang paboritong pahingahan ni bossing Agila.

Bossing linisin ko ang pahingahan mo. Mabantot na at puno ng ipot.

Bahala ka. Paano mo tatanggalin ang mga ipot?

Kakainin ko. Masustansiya naman iyan, di ba?

Naisip ng manok na gagalingan na niya ang paninipsip kay bossing Agila para makarating siya sa pinakaitaas ng puno. Kesehodang kumain siya ng ipot. Basta’t matupad lang ang kanyang pangarap.

Nakonsensiya ang agila nang makita niyang luminis nang todo ang kanyang pahingahan. Imagine, kinaya ng manok na kainin ang ipot para lang suyuin siya. Kaya’t nagpasiya ito na isakay sa kanyang likod ang manok at ihatid sa pinakaitaas ng puno. Tuwang-tuwa ang manok nang ihatid siya ng agila sa pinakamataas na sanga ng puno.

Umalis ang agila at iniwan siyang mag-isang nakatayo sa sanga. Maya-maya ay nakita ng manok na sinisipat siya ng isang bata. May dala itong tirador­. Anong gagawin niya? Hindi siya marunong lumipad at magpalipat-lipat ng sanga para pagtaguan ang bata. Bigla ang pangyayari. Tinamaan ng bato ang ulo ng manok, nalaglag ito sa lupa nang wala nang buhay. Kawawang manok, hindi pa nae-enjoy ang pananatili sa itaas ng puno pero natirador agad.

Moral of the story: Oo, nga at makukuha mo ang promotion sa trabaho dahil sa pagiging sipsip at hindi dahil sa kakayahan pero tandaan mo, hindi nagtatagal ang mga bobo sa itaas.

Show comments