EDITORYAL - Wakasan ang pamamayani ng mga matatakaw

SA selebrasyon ng ika-116 na anibersaryo ng Kalayaan noong Huwebes, nakadamit-Katipunero ang mga nag-rally sa Bonifacio Shrine sa Maynila. Binuhay nila ang alaala ni Gat Andres Bonifacio na lumaban sa mga mapang-api at abusadong Kastila. Hawak ng mga raliyista ang kanilang mga itak bilang simbolo ng pakikipaglaban. Ang kaibhan lamang ngayon, hindi mga mananakop na Kastila ang kanilang kalaban kundi ang mga matatakaw na kumulimbat sa pork barrel fund. Hiling nila ang mabilisang pag-aksiyon ng pamahalaan para malitis at makasuhan na ang mga matatakaw na lumustay sa pera ng bayan. Noong nakaraang taon pa sila sumi-sigaw ng katarungan ukol sa nalustay ng P10-bilyong pondo ng pork barrel. Hanggang ngayon, isang taon na ang nakalilipas mula nang mabunyag ang ginagawang pagnanakaw ng tinaguriang pork barrel scam queen Janet Lim Napoles, bahagya pang umuusad ang kaso. Hindi pa naaaresto ang mga senador na sangkot. Matatagalan pa raw bago makapag-isyu ng warrant laban sa mga senador.

Kawawa naman ang bansang ito na patuloy ang paghihirap ng mamamayan. Maraming walang trabaho, marami ang nagugutom, walang tirahan, maraming maysakit, maraming nakapila sa mga publikong ospital, maraming nakatira sa mga tent dahil sinalanta ng bagyo at lindol at kung anu-ano pang mga paghihirap na ang ilan ay halos masiraan na ng ulo kung paano mairaraos ang maghapon na walang laman ang tiyan.

At habang marami ang naghihirap at nagugutom, patuloy naman ang mga matatakaw na pulitiko sa paglamon sa pork barrel fund. Walang katapusan ang kanilang pagnanakaw. Sa pagmamaniobra ng pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles, lalong lumakas ang pagnanakaw.

Walang katapusang pagnanakaw sa pondo ng bayan. Ang perang dapat ay gamitin sa serbisyo-publiko at pagpapaganda ng buhay ay napupunta lamang sa “bulsa” ng mga matatakaw na buwaya. Umaapaw ang kanilang mga “bulsa” subalit wala pa ring kabusugan.

Kung noong 1896 ay nilabanan ang mga mapang-aping Kastila at naiproklama ang kasarinlan, maaa-ring gawin din iyon ngayon. Magkaisa sa paglaban sa mga matatakaw sa lipunan.

 

Show comments